7,163 total views
Ipinagdiwang ng Archdiocese of Manila ang kapistahan ni San Jose Manggagawa at Labor Day ngayong May 01.
Ginunita ng Archdiocese of Manila Labor Ministry ang labor day at feast of San Jose Manggawa sa pag-alay ng misa sa Archdiocesan Shrine of St. Joseph – San Jose de Trozo Parish sa Maynila at paglatag ng mga pangkalusugang programa sa mga manggagawa.
Ayon kay San Jose de Trozo Rector and Parish Priest Father Peterson O, Tieng. RLMS, ang inisyatibo ay pagkilala sa mga manggagawa at kanilang pamilya na mahalagang pundasyon ng ekonomiya at lipunan.
Kasabay nito, inaanyayahan ni Fr. Tieng ang mga mananampalataya at pilgrims na bumisita sa Dambana ng San Jose De Trozo na itinalagang Jubilee Church for Workers na simula May 01 hanggang 04 ay ipinagdiriwang ang ‘Jubile for Workers’.
“Ako’y bumabati sa lahat ng mga manggagawa lalung-lalu na po sa ating mga parishioners at sa Archdiocese na sa ating mga gawain naway tayo ay patuloy na mapabanal ng ating gawain at mapabanal din natin ang iba sa pamamagitan ng ating gawain at ang ating mga sakripisyo at ating mga tiyaga at sipag itong lahat nawa ay magbunga kabutihan ng pagkakawanggawa sa ibang mga tao sana po lahat tayo ay patuloy na gabayan at basbasan, tulungan ni San Jose na manggagawa, welcome po sa aming simbahan dito sa San Jose De Trozo, the Archdiocesan Shrine of St.Joseph sa Archdiocese of Manila, para sa mga manggagawa maligayang bati inyong lahat,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Tieng.
Sinuportahan naman ng Manila Archdiocesan Ministry for Labor Concern (AMLC) ang mga gawain sa Dambana upang higit na iparating sa mga manggagawa ang pakikiisa higit na sa mga pamilya na kanilang sinusportahan.
Ayon kay AMLC Minister Father Erik Adoviso, ang pagkilala ay upang mapalakas din ang tinig ng mga manggagawa sa lipunan, ito ay upang makarating sa pamahalaan o mayroong kapangyarihan ang apela at makita ang kalagayan ng mga manggagawa na kinakailangan ang kagyat na pagtugon ang mga suliranin.
“Unang-una bumabati tayo ng isang maligayang pasasalamat at congratulations kasi ngayon ay kapistahan ni San Jose, ang Ama ni Hesus dito sa lupa at alam naman natin na siya ay karpintero, kumilos siya para maging maayos ang buhay nila bilang mag-anak at siyempre patron din siya ng mga manggagawa kaya kami po ay bumabati sa lahat ng mga Parokya ni San Jose at the same time po ang kapatirang manggagawa sa buong daigdig,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Adoviso.
Nagsimula ang gawain sa misang inialay para sa mga manggagawa pasado ala-siete ng umaga sa Dambana, sinundan ito ng mga pagtatanghal mula sa kanilang koro, pamamahagi ng libreng almusal, paglulunsad ng abot-kayang medical diagnostics examinations at pakikipagtulungan sa Philippine Health Insurance Corporations upang makapag-alok ng serbisyo sa mga manggagawa.






