11,307 total views
Mga Kapanalig, mainit na usapin pa rin ngayon ang mga maanomalyang flood control projects. Bilyun-bilyong piso kasi ang inilalaan ng ating pamahalaan para sa mga ito pero lubog pa rin sa baha ang maraming lugar tuwing umuulan at bumabagyo. Isa sa mga ugat nito ang lantarang pagnanakaw sa pondo ng bayan na nagsisimula raw sa pagtukoy sa mga proyekto at programang paglalaanan ng pambansang budget.
Kaya magandang hakbang ang ginawa ng Kamara na pasalihin sa pagbusisi sa budget ng gobyerno para sa susunod na taon ang mga civil society organizations (o CSOs). Sa unang pagkakataon, binigyan ng Kamara, sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez, ng kopya ng 2026 National Expenditure Program ang mga CSOs. Kabilang sa mga grupong ito ang Caucus of Development NGOs (o CODE-NGO), Jesse Robredo Institute of Governance, at ang Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (o PLCPD).
Ang mga CSOs ang magsisilbing mga mata natin sa napakasalimuot na proseso ng pagbabadyet. Itinuturing itong tugon ng Kongreso sa panawagan para sa pagbabadyet na bukás sa pagkilatis ng publiko matapos ang kontrobersyal na 2025 budget kung saan may mga pondong inilipat o tuluyang tinanggal.
Tumataginting na 6.79 trilyong piso ang inihaing budget para sa taóng 2026. Mas mataas ito ng 7.4% sa budget ngayong 2025 na nasa 6.3 trilyong piso. Mahalagang nababantayan natin ito kaya’t mabuting nariyan ang mga CSOs na bihasa sa proseso ng pagbabadyet ng gobyerno. Sabi pa naman ng administrasyong Marcos Jr, prayoridad ng budget para sa 2026 ang mga tinatawag na “essentials” o mga bagay na mahalaga para itaguyod ang mga batayang karapatan ng mga Pilipino. Kasama sa mga essentials na ito ang edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at pagkain. (Walang flood control projects?)
Maging makahulugan sana ang maging papel ng mga CSOs sa budget process. Hindi lang sana sila palamuti sa isang seremonya. Hindi man sila makaboboto sa mga bagay na kailangang pagdesisyunan, bigyan sana sila ng pagkakataong magtanong bilang mga resource persons, humingi ng paliwanag, at magmungkahi. Para magawa ito, mabilis dapat ang kanilang access sa kritikal na impormasyon tungkol sa budget. Ang mga dokumentong naglalaman ng mga impormasyong ito ay dapat madaling maproseso at makilatis. Sabi nga ng budget watchdog na Social Watch Philippines, “In the face of persistent issues of misuse of public funds, the people need timely and complete access to budget documents.”
Kung totoong walang itatago ang mga mambabatas, dapat kasama ang mga CSOs sa bawat hakbang na gagawin ng mga mambabatas.
Mahalagang siguraduhin natin na ang bawat pisong ipinagkakatiwala natin sa gobyerno ay napupunta sa dapat pagkagastusang serbisyo para sa taumbayan. Galing kasi ito sa buwis na iniaambag natin. Ipinahihiwatig nga sa Catholic social teaching na Populorum Progressio na ang pagbabayad ng buwis ay hindi lamang pagsuporta sa mga programa at proyektong tutulong sa mga nangangailangan. Ito ay pagpapakita ng kahandaang tulungan ang gobyernong mapalawak ang mga ginagawa nito para sa kaunlaran ng taumbayan.
Kaya nararapat lamang na may say tayo sa budget na gagamitin ng pamahalaan. Trabaho na dapat ito ng mga kongresista natin bilang mga inihalal nating kinatawan sa Kongreso, pero mas maigi na nga sigurong may mga CSOs. Dagdag na bantay sila sa kung paano inilalaan at ginagamit ang kaban ng bayan. Mas maraming matang nakatutok sa budget, mas mababawasan ang oportunidad para sa korapsyon. Masusubukan natin ito ngayon sa budget para sa 2026. Tingnan natin kung mababawasan ang mga maanomalyang proyekto.
Mga Kapanalig, sa pagbababantay sa pera ng bayan, “kailangang tayo’y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip,” sabi nga sa 1 Tesalonica 5:6. Tutulungan tayo rito ng mga CSOs na tatayong mga mata ng taumbayan.
Sumainyo ang katotohanan.