10,709 total views
Nagbanta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kasong economic sabotage laban sa mga contractor at opisyal ng gobyerno na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa Pangulo, inaaral na ng kanyang legal team ang findings ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno, partikular sa Bulacan na nakatanggap ng pinakamalaking pondo para sa flood control.
“For the big ones I’m thinking very hard na pipilahan natin sila ng economic sabotage… tignan natin ah, ‘yung utang ng gobyerno ng Pilipinas, mababawasan kung naging maayos lahat ito,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“If all of these projects were properly executed and implemented, ang laki ng nawalang problema sa atin at sa taumbayan,” dagdag ng Pangulo.
Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos inspeksyunin sa Barangay Piel, Baliuag ang isang P55-milyong riverwall project na idineklarang “completed” ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ngunit nadiskubreng hindi man lang sinimulan.
Mariing sinabi ng Pangulo na hindi lamang siya nadismaya kundi na nagagalit sa ganitong uri ng katiwalian. Giit niya, kung naisagawa nang maayos ang mga proyekto, malaking tulong sana ito sa irigasyon, laban sa pagbaha, at maging sa pagbawas ng utang ng bansa.
“Extremely, more than disappointed, I’m actually… I’m getting very angry with what’s happening here… Nakaka… Papaano naman, 220 meters, P55 million completed ang record ng Public Works,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Dagdag pa ng punong ehektibo, “Walang ginawa kahit isang araw, hindi nagtrabaho. Kahit puntahan niyo, wala kayong makikita na kahit ano.”
Hinikayat muli ni Marcos ang publiko na ipagpatuloy ang pagsusumbong ng anomalya sa pamamagitan ng Sumbong sa Pangulo website.