2,690 total views
Mga Kapanalig, may pagbabanta ang China sa mga senador at opisyal ng gobyerno na dumedepensa sa West Philippine Sea.
Sa isang statement na inilabas ng Foreign Ministry ng China, sinabi ng gobyerno ng bansang ayaw tantanan ang karagatan ng Pilipinas na pagbabayaran ng mga opisyal natin ang pagpapakalat daw nila ng malisyosong impormasyon tungkol sa China.
Nag-ugat ito sa mga banat ni Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela na propaganda lang ng China ang pag-aalok nito ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea. Una sa lahat, walang presensya dapat ang China sa ating karagatan. Mahirap daw paniwalaan ang intensyon ng China lalo na’t hindi na mabilang ang mga insidente ng pagha-harass ng Chinese Coast Guard, hindi lang sa mga mangingisda kundi pati sa ating mga barkong nagpapatrol sa ating teritoryo.
Ilang araw ang lumipas, mga senador naman ang pinuntirya ng China sa pamamagitan ng deputy spokeperson ng Chinese Embassy sa Pilipinas. Pinaalalahanan niya ang mga senador na may limitasyon ang freedom of speech. Bago raw sila magkomento, intindihin daw muna nila ang diplomasya. Kung hindi raw, magiging katawa-tawa lamang daw sila.
Kinondena ng mga senador ang mga pahayag ng China na tila pinupulis kung paano isakatuparan ng mga opisyal natin ang kanilang tungkulin na isulong ang interes ng Pilipinas. Labinlima sa kanila ang pumirma sa Senate Resolution No. 256. Iginiit nilang ang mga pahayag ng China Foreign Ministry at Chinese Embassy ay salungat sa mga “accepted standards of diplomatic conduct and mutual respect between states.” Siyam na senador ang hindi pumirma. Bakit kaya?
Totoong may kaakibat na responsabilidad ang freedom of speech o ang kalayaang magpahayag ng ating opinyon at saloobin. Hindi nga ito dapat humantong sa pambabastos at pang-aalipusta, bagay na dapat ding bantayan ng ating mga lider sa kanilang sarili tuwing magsasalita sa publiko. Sa mga isyung may kinalaman sa agawan ng teritoryo at soberenya, malaking hamon ang manatiling diplomatiko habang matatag sa pinaninidigan.
Pero mas malaki ang inaasahan natin sa ating mga mambabatas na manindigan para sa interes ng ating bansa. Kapag lantarang ginigipit ng mga dayuhan ang ating mga kababayan sa isang lugar na tayo ang may karapatang mangasiwa, ang mga lider natin ang dapat na unang magtanggol sa kanila. Kapag nagpapakalat ng maling impormasyon at propaganda ang mga dayuhan para guluhin ang isipan ng mga mamamayan ng bansang ginigipit nila, ang mga lider natin ang unang dapat umalma. Kapag pinagbabantaan na ang lider nating naninindigan para sa bayan, ang mga kapwa-lider nila ang dapat na tumindig.
Ang nakalulungkot, tikom ang bibig ang ilan sa kanila. Meron pa ngang ipinagtatanggol ang nanggigipit na mga dayuhan. Hindi raw dapat ituring na “kontrabida” ang China. Ang masaklap pa, sila rin ang laging nagsasabing mahal nila ang ating bayan. Bukam-bibig nila ang katapatan sa ating watawat. Ipinangangalandakan nila ang kanilang mga sarili bilang makabayan.
Pero nasaan sila sa harap ng pagbabanta ng mga dayuhan?
Ipinahihiwatig maging sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan na ang mga pinunong kumikilos para sa katarungan sa harap ng panggigipit ay kumikilos din para sa tunay at pangmatagalang kapayapaan. Peke ang kapayapaang sinasabi ng mga lider na tinatanggap lang ang panggigipit at tahimik sa pang-aabuso ng mga dayuhan. Akma para sa ating mga lider ang paalalang ito sa Isaias 1:17, “Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran.” Kabilang dito ang paninindigan para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Mga Kapanalig, makatutulong kung magsasama-sama ang ating mga lider na manawagan ng pagpapanagot sa mga karahasang nangyayari sa West Philippine Sea. Makatutulong din kung nag-aambag sila sa diskusyon tungkol sa isyu sa halip na lituhin pa lalo ang mga Pilipino.
Sumainyo ang katotohanan.




