Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 105 total reads

Homiliya para sa Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon

8 Nobyembre 2026

Karunungan 6:12–16; 1 Tes,4:13–18; Mat. 25:1–13

May isang salitang Espanyol na ginagamit para sa mga taong mahilig magpabukas ng mga bagay na puwede namang gawin ngayon: mañanero. Hindi natin kilala ang salitang mañanero pero alam natin ang mañana habit. Galing sa salitang Espanyol na mañana, na ang ibig sabihin ay bukas.

Alam naman natin ang ugaling iyan. Kapag may kailangang gawin, ang sagot ay, “Mamaya na.” Kapag dumating ang mamaya at hindi nagawa, “Bukas na lang.” Kapag dumating ang bukas, “Sa susunod na lang.”Hanggang sa ang “mamaya na” ay nagiging “bukas na,” at ang “bukas na” ay nagiging “huli na.”

Halimbawa, matagal
Mo nang balak dalawin ang iyong nakatatandang nanay o tatay. Kailan mo gagawin? “Kapag hindi na siguro ako masyadong busy. Siguro sa susunod na buwan. O sa susunod na taon.” Tapos bigla silang nagkasakit at pumanaw. At saka ka magsisisi. Saka ka iiyak sa puntod nila, “Sana noon pa dinalaw ko na sila. Sana kahit ilang araw lang naka-bonding ko sila. Sana nasabi ko man lang na mahal ko sila.” Pero huli na.

Mga kapatid, ang simula ng magandang bukas ay hindi bukas kundi ngayon na. Alam natin, walang magandang bukas na aasahan ang taong hindi marunong magpahalaga sa ngayon o magpunyagi ngayon. Ito ang gusto kong pagnilayan natin sa ating mga pagbasa ngayong Linggo.

Sa Ebanghelyo, ikinuwento ni Hesus ang talinghaga tungkol sa sampung dalagang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ang lima sa kanila ay tinawag na matatalino. Ang lima naman ang tinawag na mangmang o bobo. Ano ba ang ipinagkaiba nila? Di ba pareho lang naman silang naghintay? Pareho lang silang may dalang ilawan. At nang maantala ang pagdating ng lalaking ikakasal, pare-pareho rin silang inantok at nakatulog.

Pero may isang importanteng pagkakaiba: ang limang matatalino ay may dalang ekstrang langis. Ang limang mangmang, wala. Handa silang lahat sa pagdating ng ikakasal. Pero lima lang ang handa kung sakaling magkaroon ng aberya.

Alam ninyo ang salitang aberya? Galing iyan sa Espanyol na avería. Ang ibig sabihin ay isang hindi inaasahang problema na nagdulot ng pagkaantala. Iyan ang hindi naisip ng limang mangmang na abay. Akala nila, darating ang ikakasal sa oras na inaasahan nila. Hindi nila naisip na baka maantala dahil sa di-inaasahang aberya.

Kaya nang dumating ang ikakasal sa kalagitnaan ng gabi, naubusan na sila ng langis. Kinailangan pa nilang umalis para bumili. At pagbalik nila, sarado na ang pintuan. Hindi naman sila napagsarahan dahil nakatulog sila. Nakatulog din naman ang limang matatalino. Napagsarahan sila dahil hindi nila ginawa noong may panahon pa ang dapat sana nilang pinaghandaan.

At dito natin makikita ang isang mahalagang aral: Hindi sapat na may magandang balak tayo para sa kinabukasan. Kailangang may ginagawa na tayo ngayon pa para matupad iyon. Ganoon din ang sinasabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa.

Ang mga Kristiyano sa Tesalonica ay naghihintay sa muling pagdating ng Panginoon. Pero habang naghihintay sila, isa-isa nang namamatay ang ilan sa kanilang mga mahal sa buhay. Kaya nag-aalala sila. Paano na ang mga namatay? Hindi na ba nila maaabutan ang pagbabalik ng Panginoon? Ang sagot ni San Pablo: okey lang na magluksa. Natural lang iyan. Pero huwag kayong magluksa na parang wala na kayong pag-asa. Dahil kung naniniwala tayo na si Hesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala rin tayo na ang mga namatay na nakipagkaisa kay Kristo ay makakabahagi rin sa kanyang muling pagkabuhay.

Ibig sabihin, ang buhay na walang hanggan ay hindi lamang isang pangakong hinihintay natin pagkatapos ng kamatayan. Kaya siguro sa panalanging itinuro sa atin ni Hesus hindi niya sinabing, “mapasalangit nawa kami.” Baligtad: “Mapasaamin ang karahian mo, sundin ang loob mo, (saan?) dito sa lupa…para nang sa langit.” Kailan? Ngayon.

Kaya hindi natin kailangang hintayin pang mamatay tayo bago magsimulang maranasan ang langit. Sa mga namuhay na ngayon ayon sa kalooban ng Diyos para bang dumating na ang Kaharian ng Diyos. Lupa man langit na rin.

Kung ang Kaharian ng Diyos ay kaharian ng pag-ibig, bakit bukas pa tayo magsisimulang magmahal? Kung ito ay kaharian ng kapatawaran, bakit bukas pa tayo makikipagkasundo? Kung ito ay kaharian ng katarungan at kapayapaan, bakit ipagpapabukas pa natin ang paggawa ng tama at mabuti?

Noong kabataan ko, may isang kanta si Basil Valdez na sumikat. Ang title ay Ngayon. Ang mensahe nito ay simple: Ang kahapon ay lumipas na. Ang bukas ay hindi pa dumarating. Pero ang ngayon ay nasa ating mga kamay.

“Ituring mong kahapo’y waring panaginip lang
Ang bukas, pangitain niyang ganda’y sa isip lang
Kung bawat ngayon mo sa ‘yo ay laging sulit lang
Kay ganda ng buhay ngayon”

Siguro ito ang dahilan kung bakit nagpakilala ang Diyos kay Moises sa pangalang Yahweh, na sa Tagalog ay “AKO AY SI AKO NGA.” “I AM WHO I AM.” Hindi “I Was o I will be.” Ang Diyos ay hindi Diyos ng kahapon, na sa alaala lang natin nabubuhay. Hindi rin siya Diyos ng bukas, na kailangang hintayin pa natin. Siya ang walang hanggang ngayon.

Kaya sa unang pagbasa, napakaganda ng larawan ng Karunungan ng Diyos. Akala natin tayo lamang ang naghahanap sa kanya. Pero ang sabi ng Aklat ng Karunungan, siya mismo ang naghahanap sa atin. Siya ang lumalapit at naghihintay sa ating pintuan.

Mga kapatid, baka habang hinihintay natin ang Panginoon na darating, hindi natin napapansin na dumarating na pala siya araw-araw. Sa isang taong nangangailangan ng tulong. Sa isang magulang na naghihintay ng dalaw. Sa isang kapatid na naghihintay ng kapatawaran. Sa isang mahirap na naghihintay ng malasakit.

Baka hinihintay natin siya sa bukas, pero kumakatok na pala siya sa pintuan ngayon. Kaya bago tayo matapos, may gusto akong itanong. May tao ka bang matagal mo nang gustong tawagan? Tawagan mo na. May taong matagal mo nang gustong patawarin? Patawarin mo na. May mabuting bagay ka bang matagal mo nang gustong simulan? Simulan mo na.

Huwag nang hintayin na dumating ang panahon na ang masasabi mo na lamang ay, “Sana ginawa ko na noon.” Dahil ang buhay na walang hanggan ay hindi lamang buhay na walang katapusan. Ito ay buhay na nakikipagkaisa sa Diyos. At ang buhay na iyan ay maaari na nating simulan ngayon.

Ang bukas na hinihintay natin ay nagsisimula sa ngayon. Kaya kung gusto nating maging handa sa pagdating ng Panginoon, huwag nating ipagpabukas ang pamumuhay bilang kanyang mga alagad. Ngayon na. Amen.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

FILIPINO’s RUNNING OUT OF PATIENCE

 5,999 total reads

 5,999 total reads Kapanalig, hindi makakausad ang bansa kung ang mga mamamayan nito ay hirap na hirap maka-survive, habang ang mga inaasahang lider na pinagkakatiwalaang mamuno

Read More »

SCRIPTED NONSENSE

 91,467 total reads

 91,467 total reads Kapanalig, ano ang napapansin niyo sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte? Sa simula pa lamang ng impeachment trial, pinapalutang

Read More »

Battered woman syndrome

 185,801 total reads

 185,801 total reads Mga Kapanalig, dalawang linggo mula ngayon magsisimula ang 18-Day Campaign to End Violence against Women. Taun-taon ito ginugunita mula November 25 hanggang December

Read More »

Implikasyon ng eleksyon sa Amerika

 247,488 total reads

 247,488 total reads Mga Kapanalig, hindi pumabor sa kasalukyang administrasyon ni US President Donald Trump ang kinalabasan ng katatapos lamang na midterm elections doon.  Mayorya ng

Read More »

Salat sa malasakit

 293,097 total reads

 293,097 total reads Mga Kapanalig, pasintabi po sa maselang tema ng ating editoryal ngayon.  Lamán ng mga balita kamakailan ang 26 na labî ng aso at

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

ANAK NG TAO

 273 total reads

 273 total reads Homiliya para sa Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon, 13 Nobyembre 2026 2 Juan 4–9; Lucas 17:26–37 Sa ating unang pagbasa, may

Read More »

PREPARING THE WAY

 10,136 total reads

 10,136 total reads A Reflection as Advent Approaches I was fascinated by a little detail in Gerry O’Connell’s report on Pope Leo XIV’s visit to Peru.

Read More »

THE POPE WHO NEVER CAME HOME

 17,891 total reads

 17,891 total reads As I follow Pope Leo XIV’s apostolic journey through Argentina, I cannot help thinking of Jorge Mario Bergoglio, the man who left Buenos

Read More »

NADALÂ NA

 16,111 total reads

 16,111 total reads There is a Filipino expression that is difficult to translate into English: Nadalâ na. Perhaps the closest equivalent is, “We’ve learned our lesson.”

Read More »
Scroll to Top