3,684 total views
Pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagdiriwang sa ikalimang dekadang pagmimisyon ng Society of Our Lady of the Most Holy Trinity (SOLT) Asia-Pacific Region.
Isasagawa ang banal na misa sa St. Gregory the Great Cathedral sa Legazpi City, Albay sa July 16 sa ganap na alas 10 ng umaga.
Ayon sa Diocese of Legazpi, taong 1975 nang magsimula ang SOLT ng kanilang pagmimisyon sa diyosesis alinsunod sa imbitasyon ni noo’y Bishop Teotimo Pacis, C.M partikular sa Cabâsan, Cagraray Island, Bacacay, Albay.
“Since then, SOLT priests, sisters, brothers, and lay missionaries—Filipino and foreign—have served island parishes and mission areas in Albay, offering pastoral care and accompaniment in the spirit of their charism as ecclesial family teams,” ayon sa pahayag ng diyosesis.
Bukod dito ito rin ay bahagi ng pagdiriwang ng diysosesis ng 2025 Jubilee of Hope, Diocesan Year of Stewardship gayundin ang Preparatory Phase ng Diocesan Diamond Jubilee.
Ang SOLT ay itinatag ni Fr. James Flanagan noong 1958 sa Archdiocese of Santa Fe, New Mexico na binubuo ng dalawang societies of apostolic life ang SOLT Sisters at ang SOLT Clerical Society kabilang na rin ang SOLT Lay Association.
Matatagpuan sa Corpus Christi, Texas ang headquarters ng kongregasyon subalit laganap sa North at Central America gayundin sa Asia at Oceania ang misyon ng SOLT.
Binigyang diin ng kongregasyon ang pagiging disipulo ni Hesus sa kanilang paglilingkod sa kristiyanong pamayanan sa pamamagitan ng mga hiyas ng Mahal na Birheng Maria at isabuhay ang Marian-Trinitarian spirituality sa pagtugon sa tawag ng pagmimisyon lalo na sa mga obispong nangangailangan ng tulong sa kani-kanilang diyosesis.