75 total views
Hinimok ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo, chair ng CBCP Office on Stewardship, ang mananampalataya na gawing pagkakataon ang panahon ng Adbiyento upang paghandaan ang pagdating ng Panginoong Hesus, magbalik-loob sa Diyos at maging mas aktibong tagapaghatid ng mabuting balita sa komunidad.
Sa paglapit ng pagsisimula ng Adbiyento sa November 30, binigyang-diin ng obispo na ang panahong ito ay paalala ng unang pagdating ni Hesus at pagpapatibay ng Kanyang patuloy na presensya sa buhay ng bawat Kristiyano.
“Kaya layuan na natin ang mga gawa ng masama at italaga na natin ang sarili sa paggawa ng mabuti… Ang kasalanan ang nagiging hadlang sa ating pagtanggap kay Jesus. Tanggalin na natin ang sagabal na ito,” ani Bishop Pabillo.
Iginiit ng obispo na ang pagkilala kay Hesus ay higit na nakikita sa pagmamahal at paglingap sa kapwa. Dahil dito, hinikayat ng obispo ang mas masidhing pagdarasal, pagbabasa ng Bibliya, paglahok sa gawaing pangkomunidad at pagtulong sa nangangailangan lalo na sa mga nasalanta ng kalamidad.
Sinabi rin ni Bishop Pabillo na hindi nalalaman kung kailan magaganap ang muling pagdating ni Hesus, kaya’t dapat laging handa ang bawat isa. Inihalintulad niya ang biglaang pagdating ng Panginoon sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng lindol at magkakasunod na pagbaha sa Visayas at Luzon na nagdulot ng malaking pinsala at buhay na nawala.
Kasabay nito, hinimok ng obispo ang publiko na makita ang pagdating ni Hesus sa mukha ng mga higit na nangangailangan, kabilang ang mga biktima ng Bagyong Tino sa Cebu.
Binigyang-diin din ni Bishop Pabillo ang kahalagahan ng pagtataguyod ng isang lipunang pinaghaharian ng kapayapaan, katarungan at malasakit.
“Wala nang mangungurakot sa bayan. Makikinabang na ang lahat sa yaman ng bayan at hindi na mapupunta sa bulsa ng iilan,” aniya.
Dagdag pa ng obispo, mahalagang isabuhay ang misyon ng Kristiyanong pagmamahal lalo na sa paghahanda para sa Pasko ng Pagsilang, sa pamamagitan ng pagkakawanggawa, pagdalaw sa may sakit, pagtatama ng pagkakamali at pagdulog sa sakramento ng kumpisal.
Umaasa si Bishop Pabillo na sa pagdating ng Pasko ay tunay na handa ang puso ng bawat mananampalataya upang buong-pusong tanggapin si Hesus sa kanilang buhay.




