2,450 total views
Mariing tinutulan ni Bishop Elmer Mangalinao ng Diyosesis ng Bayombong ang patuloy na pagpasok ng mga kumpanya ng pagmimina sa lalawigan na kilala bilang “Watershed of Region II.”
Ayon sa obispo, may humigit-kumulang 15 kumpanya pa ang nag-a-apply ng permit upang magmina sa iba’t ibang bahagi ng probinsya. Sa kasalukuyan, may dalawang malaking minahan na ang nasa probinsya— ang OceanaGold sa Kasibu at ang FCF Mining Company sa Quezon.
Sinabi ni Bishop Mangalinao na matapos maubos ang mineral sa dating lugar ng FCF Mining, nais pa nitong maghukay sa ibang mga barangay. Binalaan niya na kung magpapatuloy ito, posibleng masira ang kabundukan at kalikasan ng buong Nueva Vizcaya.
“Mayroon na po dito [na] dalawang malaking [o] dambuhalang minahan ang OceanaGold sa Barangay Didipio – Kasibu, at FCF Mining company dito naman sa Quezon. Itong FCF, kasama nila ang Woggle na matatapos na ang term, kasi wala nang makuhang mineral doon sa lugar, gusto naman nila sa kabila. Mga barangay ang nais nilang butasin at sirain,” ayon sa pahayag ni Bishop Mangalinao sa programang Barangay Simbayanan.
Pinuna rin ng obispo ang DENR dahil sa pagbibigay ng permit sa mga kompanya ng pagmimina sa kabila ng tungkulin nitong pangalagaan ang mga watershed.
“Iyon ang ipinagtataka namin. Para saan ba ang DENR, para saan ba sila? I don’t think, they understand the reality of our situation. ‘Yun lang taguring ‘watershed’ [ay] dapat wala nang iba pang puwedeng manira dito, kaya lang they are giving licenses and right[s],” ayon pa sa obispo.
Pinuri naman ng simbahan ang ilang local na opisyal na hayagang tumutol sa pagmimina.
Ayon sa obispo, aktibo ang simbahan sa pagsuporta sa mga mamamayan na lumalaban sa pagmimina. Sa katunayan, ayon kay Bishop Mangalinao, dalawa na ang kanilang isinagawang rally, at nakatakda pa silang magsagawa ng peace rally kasama ang iba’t ibang grupo ng pananampalataya habang nagpapatuloy ang mga barikada sa mga lugar na apektado ng pagmimina.
Hindi rin nagustuhan ng simbahan ang desisyon ng korte na maglabas ng TRO laban sa mga residente sa halip na sa mga kumpanya ng pagmimina.
Binigyang-diin ng obispo na para sa mga mamamayan, ang bundok ay hindi lamang lupang pakikinabangan, kundi pinagmumulan ng buhay, kultura, at tahanan. Hinimok niya ang mga pinuno ng pamahalaan na pangalagaan ang kalikasan at agarang itigil ang mga gawaing nagdudulot ng pagkasira ng kapaligiran at kabuhayan ng mga tao.
Dagdag pa ni Bishop Mangalinao, “Ang tunay na pag-unlad ay hindi galing sa pagmimina, kundi sa pangangalaga sa kalikasang nagbibigay-buhay sa lahat.”
co-author Lorenzo Maño