318 total views
Mga Kapanalig, kayo po ba ay may kapatid, anak, pamangkin, o apong batang babae? Kayo po ba ay guro sa elementarya at may mga estudyanteng batang babae? O nagtatrabaho po ba kayo sa isang institusyong kumukupkop sa mga batang babaeng inulila ng kanilang mga magulang? Ngayon po ay ang araw nila.
Taun-taon, simula noong 2012, ang ika-11 ng Oktubre ay itinalaga bilang International Day of the Girl Child, ang Pandaigdigang Araw ng Batang Babae. Idineklara ito ng United Nations upang palawakin at palalimin ang kaalaman ng publiko tungkol sa mga isyung kinakaharap ng mga babae kahit sa kanilang murang edad. Kasama rito ang diskriminasyon at pang-aabuso sa kanila ng mga nakatatanda, mga bagay na nakaugat sa mababang pagtingin ng marami sa mga babae sa lipunan. Ngayong taon, ang tema ay “Girl’s Progress = Goal’s Progress: What Counts for Girls”. Layunin ng pagdiriwang ngayong taon na himukin ang pamahalaan ng iba’t ibang bansa na kumalap ng datos na nakatuon sa kalagayan ng mga batang babae. Mahalaga ang mga datos at impormasyong ito sa paglikha ng mga patakaran at pagpapatupad ng mga programang angkop sa mga pangangailangan ng mga batang babae.
Maraming pagsubok ang kinakaharap ng mga batang babae sa kasalukuyang panahon. Sa kanyang apostolic exhortation na Amoris Laetitia, kinundena ni Pope Francis ang mga bagay na sumisira sa buhay ng mga bata, kabilang rito ang sekswal na pang-aabuso sa kanila. Dagdag pa niya, mas malaking iskandalo ang sekwal na pang-aabuso sa mga bata kung nagaganap ito sa mga lugar kung saan sila ay dapat na maging ligtas gaya ng kanilang tahanan, paaralan, pamayanan, at maging sa mga Christian institutions.
Gaya na lamang dito sa ating bansa. Noong 2011, ang ating Department of Social Welfare and Development o DSWD ay nakasagip ng 1,401 na bata mula sa sekswal na pang-aabuso. Lumitaw na halos 98 percent sa mga ito ay babae. Gayunman, wala tayong malinaw na datos tungkol sa mga batang babaeng biktima halimbawa ng human trafficking kung saan nire-recruit sila upang mamasukan bilang kasambahay, sapilitang pagtrabahuhin sa mga pagawaan, o kaya naman ay ilakong parang mga kalakal sa prostitusyon o pornograpiya. Dahil walang malinaw at maayos na datos at impormasyon tungkol sa mga batang babaeng nasasadlak sa ganitong mga sitwasyon, mistulang nawawalan sila ng boses at samakatuwid, walang nakaririnig sa kanilang mga hinaing. Ang nawawalang tinig na ito ang nais palakasin ng International Day of the Girl Child ngayong taon.
Kung inyong maaalala noong bumisita si Pope Francis sa Pilipinas noong 2015, tinanong siya ng isang batang babae kung bakit hinahayaan ng Diyos na dumanas ang mga bata ng paghihirap at pagdurusa. Bakit nga ba, mga Kapanalig?
Inamin ng ating Santo Papa na mahirap sagutin ang malalim na tanong sa kanya. Ngunit kung makikinig tayo sa ating puso at hahayaan natin ang ating mga sariling lumuha at mahabag, tiyak na mauudyukan tayong kumilos upang maibsan ang paghihirap ng mga bata. Pag-ibig, ayon sa ating Santo Papa, ang kasagutan. Ngunit hindi lamang ito isang emosyon; ang tunay pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap at mahihina, kabilang ang mga musmos, ay laging may kalakip na pagkilos at walang sawang pagtataya para sa kanilang kapakanan.
Mga Kapanalig, alalahanin natin ang mga batang babaeng nasa mahihirap na kalagayan. Ang pag-ibig sa kanila ay hindi natatapos sa pagkaawa sa kanila. Udyukan natin ang mga institusyon sa ating lipunan, sa pangunguna ng pamahalaan at gayundin ang Simbahan, na hanapin ang tinig ng mga batang babae. Simulan natin sa pag-alam sa bilang ng mga batang nangangailangan ng pagkalinga, at kapag nahanap na natin sila, pakinggan natin sila at samahan nating palakasin ang kanilang boses.
Sumainyo ang katotohanan.