21,855 total views
Muling nanawagan si Pope Leo XIV para sa agarang tigil-putukan at dayalogo tungo sa kapayapaan, lalo na sa mga bansang patuloy ang karahasan at digmaan.
Sa kanyang Angelus sa Vatican, hinimok ng Santo Papa ang mga pinuno ng mundo na bigyang-daan ang mga hakbang tungo sa pagkakasundo at pag-asa.
“I renew my heartfelt appeal for an immediate and effective ceasefire. May the instruments of war give way to those of peace, through inclusive and constructive dialogue,” pahayag ni Pope Leo XIV.
Binigyang-diin ng Santo Papa ang kanyang pag-aalala sa patuloy na digmaan sa Myanmar, kung saan kabilang sa mga target ng mga pag-atake ang mga sibilyan at mga pasilidad sibil.
Ipinahayag ng punong pastol ang kanyang pakikiisa sa lahat ng nagdurusa dahil sa karahasan, kawalang-seguridad, at kahirapan na dulot ng labanan.
“The news from Myanmar is sadly distressing,” ani ng Santo Papa habang pinangungunahan ang panalangin para sa kapayapaan.
Kasabay nito, ipinagkatiwala ni Pope Leo XIV sa Mahal na Birheng Maria at sa mga bagong Santo ng Simbahan ang panalangin para sa kapayapaan sa Holy Land, Ukraine, at iba pang lugar na patuloy na dinudurog ng digmaan.
“Let us entrust to the intercession of the Virgin Mary and the new Saints our constant prayer for peace in the Holy Land, Ukraine, and other places affected by war. May God grant all their leaders the wisdom and perseverance to advance in the search for a just and lasting peace,” dagdag ng Santo Papa.
Sa okasyon din ng World Mission Day, pinuri ni Pope Leo XIV ang mga misyonerong patuloy na naglilingkod sa mga komunidad sa iba’t ibang panig ng mundo, lalo na sa mga hindi pa nakakikilala sa Panginoon.
“Today is World Mission Day. While the whole Church is missionary, today we pray especially for those who bring the Gospel to those who do not know it. They are missionaries of hope among all peoples,” pahayag ng Santo Papa.




