7,939 total views
Mga Kapanalig, pumasá na sa third and final reading ang House Bill No. 4058 o ang bersyon ng House of Representatives ng 2026 General Appropriations Bill o ang national budget. Sa Nobyembre, tatalakayin naman ng Senado ang bersyon nito. Pagkatapos ay magkakaroon ng Bicameral Conference Committee hearing hanggang sa handa nang ihain ng dalawang kapulungan ang panukalang batas kay Presidente Bongbong Marcos, Jr.
Sa HB No. 4058, 6.79 trilyong piso ang ipinapanukalang national budget para sa susunod na taon. Mayorya ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan ang sumang-ayon dito. Labindalawa ang tumutol dahil mayroon itong 200 bilyon pisong “unprogrammed appropriations”. Ang unprogrammed appropriations ay “standby funds” na maaaring gamitin ng mga ahensya ng pamahalaan sakaling may bagong kita o utang na makukuha ang pamahalaan. Kontrobersyal ang unprogrammed appropriations dahil sinasabing nagagamit ito para pondohan ang mga maanomalyang proyekto.
Para kay Akbayan Partylist Representative Chel Diokno, ang unprogrammed appropriations ay bilyun-bilyong piso na direktang ibinibigay sa ehekutibo nang walang malinaw na paggagamitan. Ayon naman kay Mamamayang Liberal Partylist Representative Leila de Lima, mistulang “parking area” ang unprogrammed appropriations ng mga programa at proyektong dapat naman talagang tustusan ng pamahalaan pero ipinagpapaliban lamang.
Hindi lang unprogrammed appropriations ang problema nakikitang problema ni Gabriela Partylist Representative Sarah Elago sa panukalang budget. Bilyun-bilyong piso raw ang nakatago sa confidential at intelligence funds at sa mga discretionary infrastracture projects. “Pork feast” o sagana sa pork barrel daw ang budget. Kahit ano raw palit ng pangalan o porma, “pork is pork.” Isisingit lang ng mga tiwali sa budget ang mga proyektong mapagkukunan nila ng kickback.
Sang-ayon sa mga punáng ito ang People’s Budget Coalition, isa sa mga civil society groups na umuupo sa mga budget hearings. Sa tantya ng grupo, nasa 230 bilyong piso ang maituturing na pork barrel at magagamit sa mga tinatawag na patronage-based projects—mga proyektong ginagamit para makuha ang katapatan ng mga botante. Wala pa sa halagang ito ang unprogrammed appropriations. Nananawagan ang koalisyon na tanggalin ang pork barrel, ilipat ang mga pondo sa mga mas makabuluhang programa katulad ng 4Ps, ibalik ang pondo sa PhilHealth, at mag-invest sa edukasyon at kalusugan ng mga Pilipino. Dapat ding gawing higit na transparent ang pagkilatis sa mga prayoridad at alokasyon ng pondo ng bayan. Malinaw daw ang mensahe ng taumbayan sa mga nagdaang kilos-protesta: galit na ang taumbayan! Galit na ang mga tao sa katiwalian! Galit na ang mga Pilipino sa korapsyon! Galit na ang mga kababayan natin sa mga sakim na pulitiko!
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang common good o kabutihang panlahat ang pangunahing tunguhin ng pulitika. Tungkulin ng pamahalaang siguruhing naitataguyod ang kabutihan ng lahat, hindi ang kapakinabangan ng iilan lamang. Tungkulin ng pamahalaang gawing abot-kamay ng taumbayan ang mga kinakailangan nila upang mabuhay nang marangal at may dignidad. Sinabi rin noon ni Pope Francis: “corruption is paid by the poor.” Ang katiwalian ay pinagbabayaran ng mahihirap. Sila kasi ang pangunahing umaasa sa mga programa at serbisyo ng pamahalaan, kaya bawat pisong nawawala sa pondo ng bayan ay pagnanakaw sa mahihirap.
Mga Kapanalig, ayon sa 2 Pedro 2:19, “Ang tao ay alipin ng anumang hindi niya kayang pagtagumpayan.” Hanggang kailan kaya magiging alipin ng salapi ang ating mga pulitiko? Ang perang nakalaan sa unprogrammed appropriations at pork barrel ay pera ng taumbayan, kaya para din dapat ito sa taumbayan, para sa kabutihang panlahat. Huwag tayong mapagod na singilin ang mga korap. Maging mapagmatyag sa mga susunod na hakbang sa pagsasabatas ng ating national budget. Talo ng mapagbantay na taumbayan ang mga pulitikong alipin ng salapi.
Sumainyo ang katotohanan.