55,404 total views
Nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na igalang ang kasagraduhan ng regular na pagsasagawa ng halalang pambarangay sa bansa.
Ito ang paninindigan ni PPCRV Chairman Evelyn Singson sa panayam ng Radyo Veritas, matapos na muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre ng susunod ng taong 2026 na orihinal na nakatakda sa darating December 1, 2025.
Ayon kay Singson, suportado ng PPCRV ang pagtutok at pagbibigay prayoridad ng mga ahensya ng pamahalaan partikular na ng Commission on Elections (COMELEC) sa pagtiyak ng kaayusan, katapatan, at kapayapaan ng nakatakdang kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa October 13, 2025 na malaki ang maaring maging epekto sa pangkabuuang katatagan ng demokrasya ng bansa.
Gayunpaman nilinaw ng opisyal na bagamat katanggap-tanggap ang pangangailangang maglaan ng sapat na panahon upang matutukan ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections ay malaki naman ang posibleng maging implikasyon ng paulit-ulit na pagpapaliban sa halalang pambarangay sa bansa.
“I will refrain from commenting on the legality of the postponement of the BSKE elections, as this matter is sub judice. I believe that the deferment was made in recognition of the paramount importance of the BARMM elections. The Commission on Elections, in partnership with stakeholders, is devoting its full attention to ensuring that the BARMM elections are credible, orderly, and successful—given the serious consequences to national stability should they falter. To give sufficient time to prepare, the BSKE has been rescheduled to November 2026, representing a one-year postponement. “ Bahagi ng mensahe ni Singson sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ni Singson, bagamat mayroon ring mga implikasyon ang muling pagpapaliban sa halalang pambarangay ay maari naman itong tingnan sa kasalukuyan bilang pansalamantalang pagbibigay daan upang matutukan ang pagbibigay prayoridad sa interes at makabubuti sa mas nakararami lalo na sa rehiyon ng BARMM.
Ayon kay Singson, “While such a deferral is far from ideal, there are times when circumstances necessitate such adjustments in the interest of the greater good.”
Sa kabila nito, binigyang diin ng chairman ng PPCRV na ito na ang dapat na maging huling pagkakataon na ipagpapaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections bilang pagkilala sa kasagraduhan ng regular na pagsasagawa ng halalang pambarangay bilang bahagi ng demokrasya ng bansa.
Paliwanag ng opisyal, ang madalas na pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal ng barangay ay nakapagpapahina ng pananagutan sa pamahalaan at nakasisira rin ng tiwala ng publiko.
Giit ni Singson, dapat na matiyak na mga mamamayan na ang mga halal na lingkod bayan ay ganap na naisasakatuparan ang kanilang mandato na nakabatay sa desisyon ng mga botante na nagluluklok sa mga halal na opisyal sa pamamagitan ng regular na pagsasagawa ng halalan sa bansa.
“That said, it is imperative that this be the last. The sanctity of our democratic process rests on the certainty of regular elections. The extension of terms of office erodes public trust and undermines accountability. Our citizens must be assured that elected officials will serve only within their rightful mandate and that their performance will be judged through the ballot, at regular and fixed intervals.” Dagdag pa ni Singson.
Bilang pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa halalan sa bansa at isa rin sa pangunahing citizen-arm ng COMELEC, ay binigyang diin ng PPCRV na nakasalalay ang demokrasya ng Pilipinas sa regular, maayos, matapat, at mapayapang halalan sa bansa.
Sa bahagi ng Simbahang Katolika partikular na sa Compendium of the Social Doctrine of the Church, ang halalan ay hindi lamang isang mekanismo ng pulitika kundi isang moral na proseso na nagtataguyod ng dignidad ng taumbayan, aktibong pakikilahok ng mga mamamayan at pananagutan ng mga halal na opisyal.




