5,548 total views
Nakatakdang makibahagi si Divine Word Missionary Priest at Ramon Magsaysay Awardee Rev. Fr. Flavie Villanueva, SVD sa malawakang pagkilos upang ipakita ang paninindigan ng taong bayan laban sa katiwaliang patuloy na nagaganap sa pamahalaan.
Tinaguruian ang pagkilos na ‘A Trillion Peso March’ na nakatakda sa ika-21 ng Setyembre, 2025 ganap na alas-dos ng hapon sa EDSA People Power Monument kung saan inaanyayahan ang lahat na magsuot na putting damit upang ipakita ang paghahangad ng katotohanan at pananagutan ng mga Pilipino kaugnay sa trilyong pisong halaga ng kaban na bayan na nauwi sa katiwalian.
“Sa September 21 po halina at makiisa sa rally, sa martya, sa panalangin na gagawin natin sa [EDSA] People Power Monument sa kahapunan. Tayo ay makiisa upang sabihin nating ‘sobra na, tama na, ikulong na ang mga salarin upang sa gayun magsimula ang paghilom, at sa paghilom may bagong bayan na pwedeng ayusin.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Villanueva.
Ayon sa Pari, napapanahon ng mawakasan ang kaguluhan, katiwalian at panlilinlang na higit pang lumaganap sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Giit ni Fr. Villanueva, “Hindi nagtrabaho ng matino ang mga pulitiko at mga negosyanteng dapat mag-alay ng kaayusan sa kanilang buhay at naniniwala ako, dumanak ang hapag ng kademonyuhan nung panahon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hapag ng panlilinlang, hapag ng fake news, hapag ng panloloko at kabastusan, at higit sa lahat hapag ng pagdanak ng dugo sa paraan ng pagtokhang at pagpatay -Hindi po ito ang handog ni Hesus, hindi po ito handog ng Simbahan.
Pagbabahagi ng Pari, dapat na muling lumaganap sa lipunan ang hatid ni Hesus sa daigdig na pagkakaibigan, katarungan, pag-ibig at pag-asa lalo na para sa mga lider at opisyal ng bayan na lantad sa iba’t ibang tukso ng pagtataksil sa tiwala at dignidad ng bayan.
“Si Hesus ay nagdala ng hapag ng pagkakaibigan upang ang mga naghahanap ay mapalapit sa kanya, si Hesus ay nagdala ng hapag ng piging ng pag-asa upang tayo na naghahanap ng katarungan, mga nasusugatan ay maaring lumapit sa kanya at makakita ng pag-asang ganap, si Hesus po ay nagdala ng hapag upang ang diwa ng sakripisyo at serbisyo ay ating maunawaan, hindi tulad ng mga nakakalungkot na pulitiko, kongresista, mga senador na nang-hudas at nangtaksil sa kanilang sinumpaang tungkulin.” Dagdag pa ni Fr. Villanueva.
Una ng inihayag ng Church Leaders Council for National Transformation (CLCNT) na walang halong pulitika ang nakatakdang pagkilos na hindi naglalayong pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon at lalong hindi rin nananawagan sa pagpapauwi sa bansa kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa halip ay nanawagan ng ganap na pagpapanagot sa lahat ng mga magkakasabwat sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Matatandaang batay sa datos ng World Bank, Asian Development Bank, at International Monetary Fund noong 2024, tinatayang ₱2 trilyon kada taon ang nawawala sa pamahalaan dahil sa katiwalian patuloy na nagaganap sa Pilipinas.