5,566 total views
Tiniyak ng humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na Caritas Philippines ang pag-antabay at mahigpit na nakikipag-ugnayan nito sa mga Diocesan Social Action Centers (DSACs) sa buong bansa para sa mabilis na pagtugon at pagsasagawa ng response operations kaugnay sa naging epekto ng Bagyong Tino at ng pananalasa ng Bagyong Uwan, na inaasahang lalakas pa at magiging Super Typhoon (STY).
Ayon sa ulat, tuluyan nang nakalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Tino, subalit nananatiling nakabantay ang Simbahan sa epekto ng Bagyong Uwan na kasalukuyang tinatahak ang direksyong hilagang-kanluran patungong Northern at Central Luzon, na maaari ring makaapekto sa Southern Luzon at Visayas dahil sa malawak na sirkulasyon nito.
“Caritas Philippines is on standby and coordinating with Diocesan Social Action Centers for possible response operations. Typhoon Tino has exited the Philippine Area of Responsibility (PAR), and we are now closely monitoring Typhoon Uwan, which is expected to intensify into a Super Typhoon (STY). Current forecasts show a northwest track toward Northern and Central Luzon, with a large circulation that may also affect Southern Luzon and the Visayas. Let us remain alert, prepared, and follow the advisories of local government authorities.” Bahagi ng mensahe ng Caritas Philippines.
Bilang pag-iingat mariing nanawagan ang Caritas Philippines ang lahat ng mga parokya, simbahan, at mananampalataya na manatiling alerto, handa, at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat miyembro ng pamilya at komunidad.
Paalala sa lahat:
• Sumunod sa mga abiso at tagubilin ng mga LGU, lalo na sa mga pre-emptive evacuation.
• Maging mapagmatyag sa mga babala at senyales ng panganib.
• Ihanda ang mga emergency kit, tiyaking matibay ang mga tahanan, at itago sa ligtas na lugar ang mahahalagang dokumento.
Para sa mga parokya at social action teams:
• Panatilihing may karga ang mga communication devices at baterya.
• Maghanda o mag-preposition ng relief goods at iba pang supply.
• Siguraduhing may akses sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, kuryente, komunikasyon, at mga daanan.
Ayon sa Caritas Philippines, sa panahon ng kawalang-katiyakan ay mahalaga na pa ring manatiling matatag ang pananampalataya at pagkakaisa ng bawat mamamayan.
Paliwanag ng social arm ng CBCP, sa pamamagitan ng pagtutulungan sa oras ng kalamidad o sakuna ay patuloy na maipapadama ang awa at malasakit ng Diyos lalo na sa mga nasalanta at pinaka-nangangailangan sa lipunan.
“Together, let us ensure the safety of our families and communities. In this time of uncertainty, may our faith, compassion, and readiness guide us as we pray for the protection of everyone in the path of the typhoon.” Dagdag pa ng Caritas Philippines.
Bukod sa paghahanda sa posibleng pagsasagawa ng rescue at relief efforts patuloy ang panawagan ng Simbahan na ipanalangin ang kaligtasan ng lahat, lalo na ang mga nasa dadaanan ng bagyo, sakaling tumama ang Bagyong Uwan sa kalupaan.




