3,145 total views
Mga Kapanalig, ilang tulog na lang, eleksyon na. Isang pakiusap sa lahat ng boboto: kilatising mabuti ang mga kandidatong tatanggap ng ating matamis na “oo” sa balota. Isang paraan ay ang pag-alam kung sangkot ba ang kandidato sa pamimilí ng boto o vote-buying.
Hanggang noong Mayo 1, nakatanggap ang Commission on Elections (o COMELEC) ng mahigit 200 na reklamong konektado sa vote-buying, vote-selling, at abuse of state resources. Halos 170 sa mga ito ay pamimili at pagbebenta ng boto—opo, labag po sa batas ang pagtanggap ng pera mula sa mga tumatakbo sa eleksyon. It takes two to tango, ‘ika nga; kung walang magbebenta ng boto, walang bibili ng boto. Nasa 80 naman ang sinasabing abuse of state resources o paggamit ng pera ng gobyerno para sa pangangampanya. Ginagawa ito ng mga kasalukuyang nakaupo sa puwesto at may pondong natatanggap mula sa kanilang opisina. Ang pondong ito ay dapat gamitin para sa serbisyo sa kanilang mga nasasakupan, hindi para sa personal na kapakinabangan katulad ng pangangampanya.
Mas kaunti ang mga kaso ngayong Eleksyon 2025 kumpara noong huling halaan. Mahigit sanlibong reklamo ang natanggap ng COMELEC noon. Pero asahan daw na bubuhos pa ang mga reklamo ng vote-buying, vote-selling, at abuse of state resources hanggang sa araw ng eleksyon. Sa ngayon, napadalhan na raw ng COMELEC ng show-cause orders o utos na magpaliwanag ang 213 na kandidato. Kung manalo daw ang mga kandidatong ito pero may nakabinbing kaso, maaaring hindi sila iproklama.
Bahagi na nga ng ating eleksyon ang pagbili at pagbenta ng boto. Hindi na rin tagô ang paggamit ng pera ng bayan para sa pangangampanya ng mga incumbent na opisyal. Hindi mawawala ang mga ito kung patuloy na mananahimik ang taumbayan o, ang mas malala, kung kasabwat tayo sa pamamayagpag ng mga bumibili ng boto at ng mga nagnanakaw sa kaban ng bayan.
Kasama ang Simbahan sa mga walang tigil na nagpapaalalà sa mga botante na sagrado ang ating balota. Kung sagrado ito para sa atin, hindi natin ipagpapalit ito para sa ilang libong piso o ayudang ipinamumudmod ng mga pulitiko. Pero may mga nangangatwirang wala namang problemang tanggapin ang pera, basta susundin daw ang ating konsensya sa araw ng eleksyon. Sa hirap ng buhay ngayon, praktikal lang daw na kunin ang suhol mula sa mga pulitiko. Galing din naman daw sa ating buwis ang perang ipinambibili nila ng boto.
Sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, ipinaliwanag ng yumaong si Pope Francis na tayong mga Katoliko ay may bokasyon bilang mga mamamayan—“vocation as citizens”, sa Ingles. Dahil sa bokasyong ito—sa misyong ito—tayo ay inaasahang tumulong na dalhin ang ating kinabibilangang lipunan patungo sa kabutihang panlahat o common good. Ang ating personal na buhay ay nakaugnay sa buhay ng ating kapwa. Anumang desisyon natin ay may epekto sa iba. Ang ating iboboto, sa madaling salita, ay may epekto sa ating kapamilya, katrabaho, kaibigan, kapitbahay, at kababayan.
Kung ang boto natin sa darating na eleksyon ay batay lamang sa pera o ayudang ibinigay sa atin sa halip na batay sa kakayahan, talino, at karakter ng kandidato, huwag tayong umasang bubuti ang sitwasyon ng ating bayan. Para nating ipinagkakanulo ang ating bayan kung iboboto natin ang mga kandidatong tinatapatan ng pera ang ating sagradong boto.
Mga Kapanalig, may panahon pa para pag-isipang mabuti at pagdasalan ang ating boto. Sa huli, wika nga sa Mga Gawa 5:29, tayo ay dapat sa Diyos sumusunod, hindi sa tao. Ituring natin ang ating pagboto bilang paraan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi Niya kalooban ang pagbili at pagbenta ng boto.
Sumainyo ang katotohanan.