9,821 total views
Isinusulong ni Albay 3nd District Rep. Raymond Adrian Salceda ang pagpasa ng House Bill No. 3810 o Right to Dignified End-of-Life Care Act na layong maisama ang hospice at end-of-life care sa mga serbisyong saklaw ng PhilHealth.
“Hindi naman po maipagkakaila. End-of-life care is still care,” pahayag ni Salceda, chairman ng House Committee on Food Security.
Ayon sa mambabatas, layunin ng panukala na bigyan ng mas makataong opsyon ang mga pasyente at kanilang pamilya upang gugulin ang huling araw ng may ginhawa, malayo sa labis na sakit at bigat ng gastusin.
“Hospice care is about giving families and patients a choice — to spend their last days together in comfort, without unnecessary pain, and without the crushing burden of debt,” dagdag ng mambabatas.
Itinatakda ng panukala na kilalanin ang hospice care bilang isang pangunahing serbisyo na maaaring ibigay sa ospital o mismong sa tahanan ng pasyente. Kabilang dito ang pagpapagaan ng sakit, pagbibigay ng emosyonal at espirituwal na suporta, at paggabay din sa pamilya.
Nanawagan si Salceda ng agarang pagpasa ng panukala upang matiyak na ang hospice at end-of-life care ay maging tunay na abot at sakop ng PhilHealth, at para mapangalagaan ang karapatan ng bawat Pilipino sa makatao at marangal hanggang sa huling yugto ng kanyang buhay.