1,548 total views
Tiniyak ng Priests of the Sacred Heart of Jesus (Dehonians) sa Pilipinas na patuloy isasakatuparan ang misyon na sinimulan ng taga-pagtatag na si Venerable Fr. Leo John Dehon, habang ginugunita ngayong taon ang ika-100 anibersaryo ng kanyang kamatayan.
Ayon kay Fr. Niño Etulle, SCJ, Superior ng Dehonian Philippine Region, ang pagdiriwang ay higit pa sa simpleng paggunita sa mahalagang araw.
Ito ay isang pagpapasalamat sa katapatan ni Fr. Dehon at sa walang hanggang biyaya ng Diyos para sa kongregasyong kanyang itinatag.
“Hindi lamang ito pag-alala sa kanyang kamatayan kundi pagpupugay sa katapatan, pag-ibig, at biyaya ng Diyos. Paanyaya na ipagpatuloy ang misyon sa mga lugar na walang gustong pumunta upang ibahagi ang pag-ibig at awa ng Diyos, lalo na sa mga sugatan,” pahayag ni Fr. Etulle sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng pari na puno ng kagalakan at pag-asa ang buong SCJ community sa pagpapatuloy ng misyon ni Fr. Dehon, lalo na sa paglilingkod sa mga pamayanang higit na nangangailangan.
“Bawat Dehoniano ay nagdiriwang, nagagalak, at puno ng pag-asa, naway ang galak at pag-asang ito wag lang manatili sa amin, sa halip mas maibahagi sa mga taong katuwang namin sa misyon, sa mga taong ipinagkatiwala sa amin, sa mga taong aming pinaglilingkuran at paglilingkuran pa sa simbahan,” ani Fr. Etulle.
Ang espirituwalidad ng mga Dehoniano ay isang buhay ng pag-ibig at pagbabayad-puri, hinango mula sa sugatang Puso ni Kristo. Ito ay isinasabuhay sa debosyon sa Eukaristiya, pagkakaisa ng kapatiran, at mapagpakumbabang paglilingkod sa mga higit na nangangailangan, bilang ganap na paghahandog sa Ama ayon sa halimbawa ni Maria.
Itinatag ni Fr. Dehon ang kongregasyon noong 1878 sa Saint-Quentin, France, hango sa kanyang malasakit sa mga manggagawa at naaapi.
Una itong tinawag na Oblates of the Sacred Heart, ngunit dahil sa mga hamon, muling itinatag noong 1884 bilang Priests of the Sacred Heart of Jesus (SCJ) na kinilala ni Pope Leo XIII noong 1888.
Mula noon, lumawak ang kanilang gawain sa edukasyon, paglilingkod sa parokya, pagtuturo sa kabataan, pagtataguyod ng katarungang panlipunan, at matatag na debosyon sa Eukaristiya at pagbabayad-puri.
Sa kasalukuyan, ang mga Dehoniano ay naroroon sa mahigit 40 bansa, kabilang ang Pilipinas, kung saan patuloy tinutupad ang misyon ni Fr. Dehon na ihatid ang pag-ibig at pagkakasundo ng Diyos sa mga dukha, sugatan, at mga naisasantabi.
Si Fr. Leo John Dehon ay pumanaw noong August 12, 1925 sa Brussels, iniwan ang isang pamana ng pananampalataya at paglilingkod na patuloy na sumisiklab sa puso ng kanyang mga tagasunod.
Sa Pilipinas aktibo ang SCJ sa mga parokya sa mga diyosesis ng Novaliches, Antipolo, Pagadian, Ipil, Maasin at Archdiocese of Cagayan de Oro.
Bukod sa mga parokya kabilang din sa apostolate ng Dehonians ang pangangalaga sa mga batang biktima ng sexual abuse.