200,553 total views
Mga Kapanalig, nai-file na sa House of Representatives ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. mula nang umupo siya sa puwesto noong 2022. Isang Atty Andre de Jesus ang nagsumite nito sa opisina ng House Secretary General noong isang Lunes. Inendorso naman ito ni Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Party-list Representative Jernie Nisay.
May anim na grounds na binanggit sa impeachment complaint. Una ay ang pagpapahintihulot daw ni PBBM sa pagkidnap kay dating Pangulong Duterte para dalhin sa International Criminal Court. Kaugnay nito ang isa pang ground: ang paglabag ng pangulo sa Saligang Batas at betrayal of public trust nang isuko raw niya si Duterte. Ang tatlong iba pang grounds ay kaugnay ng katiwalian: hindi raw pinigilan ni PBBM ang mga unprogrammed approriations sa pambansang budget, tumanggap daw siya ng kickback mula sa mga ghost flood control projects, at pinagtatakpan niya ang mga korap niyang kaalyado sa pamamagitan ng pagtatatag ng Independent Commission for Infrastructure (o ICI). Batayan din ng impeachment complaint ang pagiging “drug addict” umano ng pangulo, bagay na nakaaapekto raw sa kanyang kakayahang mamuno.
Pero duda ang mga kaalyado ni PBBM sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na uusad ang naturang impeachment complaint. Maliban sa dominado pa rin ng mga kakampi ng pangulo ang House of Representatives, marami rin daw butas ang reklamo. Tsismis at paulit-ulit na mga akusasyon ang batayan daw ng impeachment complaint. Gusto lang daw mag-ingay sa media ng mga nagsampa ng reklamo. Dahil dito, “dead on arrival” na maituturing ang impeachment complaint.
May mga nagsasabi namang “pakawala” lang ng pangulo ang naghain ng reklamo. Sinadya raw ang impeachment complaint na maging mahina at malabnaw para nga hindi ito umusad. Sa ganitong paraan, makakaiwas ang presidente sa anumang banta ng impeachment dahil isang reklamo lang dapat ang isinusumite sa Kongreso sa loob ng isang taon. Panglihis lang din daw ito sa iba pang kinakaharap na isyu ni PBBM, lalo na ang hindi pa rin matuldukan na kontrobersya sa mga flood control projects.
Sagot naman ng Palasyo, bakit gagawin ng presidente na ipahiya ang sarili at hayaang masira ang imahe ng bansa sa pamamagitan ng isang gawa-gawang impeachment complaint?
Nakalulungkot na tila hindi na sineseryoso ang impeachment na isang paraan para panagutin ang mga namumuno sa ating bansa. Mahalaga ang impeachment sa isang demokrasya bilang isang konstitusyonal na mekanismo para panagutin ang mga matataas na opisyal sa malulubhang paglabag, para protektahan ang pamahalaan laban sa pang‑aabuso ng kapangyarihan, at para pangalagaan ang tiwala ng publiko. Pinahihintulutan nito ang pagtanggal sa tungkulin ng mga opisyal na nagtraydor sa tiwalang ipinagkaloob sa kanila, upang matiyak na nananatiling tapat ang mga nasa gobyerno sa mandato nila sa taumbayan.
Hindi dapat gamitin ang impeachment para sa maruming pamumulitika. Hindi rin ito dapat baliin para makatakas sa pananagutan. Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, ang pananagutan o accountability ay bahagi ng pangangalaga sa kabutihang panlahat o common good. Kung patuloy na lalabag sa batas ang ating mga lider gaya ng pagnanakaw sa kaban ng bayan, talo ang mga mamamayan. Kung hahayaan naman nating makatakas sa pagpapanagot ang mga tiwali at traydor sa bayan, patuloy ang kahirapan at kawalang-katarungan. Walang common good.
Mga Kapanalig, sabi nga sa Mga Kawikaan 27:17, “Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan.” Ang impeachment ay isang paraan para maging mahusay at manatiling tapat—sa madaling salita, “matalim” at “matalas”—ang ating mga lider. Kung ganito ang ating mga lider, makaaasa tayo ng isang maayos at tapat na gobyerno. Ang impeachment ay seryosong pagpapanagot. Huwag itong maliitin at huwag ding abusuhin.
Sumainyo ang katotohanan.




