1,894 total views
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Cebu Archbishop Alberto Uy, sa mga street sweeper at sanitation workers ng Cebu City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na walang pagod na naglinis ng mga lansangan ng lungsod matapos ang Sinulog Grand Parade noong Enero 18, 2026.
Ayon sa Arsobispo, habang marami ang nagpapahinga matapos ang kasiyahan, tahimik at tapat na naglingkod naman ang mga manggagawa na nagwawalis, naglilinis, at nagsasaayos muli ng kaayusan sa lungsod.
Bagama’t hindi palaging napapansin ng marami, binigyang-diin ni Archbishop Uy na ang kanilang gawain ay hinding-hindi nalilihim sa Diyos at sa sambayanang lubos na nagpapasalamat.
“I wish to express my sincere gratitude and deep appreciation to the street sweepers and sanitation workers of the Cebu City Environment and Natural Resources Office (CENRO) who worked tirelessly to clean our streets after the Sinulog Grand Parade on January 18, 2026. While many were resting after the festivities, you quietly and faithfully labored—sweeping, collecting, and restoring order to our city. Your work may be unseen by many, but it is never unnoticed by God and by a grateful people.” Bahagi ng mensahe ni Archbishop Uy.
Binigyang diin rin ng Arsobispo na ang kanilang paglilingkod ay paalala na ang tunay na diwa ng Sinulog na hindi lamang makikita sa mga pagsayaw at pagdiriwang, kundi sa paglilingkod, pananagutan, at malasakit sa ating iisang tahanan.
Pagbabahagi ni Archbishop Uy sa kanilang sipag at dedikasyon, naipapakita na ang debosyon sa Señor Santo Niño na isinasabuhay hindi lamang sa galak, kundi pati sa disiplina, kalinisan, at paggalang sa sangnilikha.
Ipinapanalangin din ng Arsobispo na pagpalain nawa ng Señor Santo Niño ang mga sanitation workers at ang kanilang mga pamilya ng masaganang biyaya.
“You remind us that the true spirit of Sinulog is not only found in dance and celebration, but also in service, responsibility, and care for our common home. You help ensure that our devotion to the Santo Niño is expressed not only in joy, but also in discipline, cleanliness, and respect for creation. Daghang salamat sa inyong kakugi, sakripisyo, ug katahum sa inyong serbisyo. May the Señor Santo Niño bless you and your families abundantly.” Dagdag pa ni Archbishop Uy.
Samantala, nagpaabot din ng pagbati si Archbishop Uy sa lahat ng nakibahagi at nagwagi sa Sinulog 2026, kasabay ng pagkilala sa sakripisyo at pagsusumikap ng bawat kalahok sa makasaysayang pagdiriwang.
Ayon sa Arsobispo, hindi biro ang pinagdaanan ng mga kalahok na mananayaw, kabilang ang walang katapusang ensayo, pagod, puyat, at maging ang ilang pagtatama na patunay ng kanilang taos-pusong paghahandog para parangalan ang Señor Santo Niño at ipagmalaki ang Cebu kung saan ang lahat ng lumahok ay karapat-dapat batiin, may tropeo man o wala.
Pagbabahagi ng Arsobispo, hindi lahat ay nag-uuwi ng medalya sa pagdiriwang ng Sinulog, ngunit ang sinumang naghandog ng kanilang lakas at talento nang may pagmamahal ay panalo sa paningin ng Batang Hesus.
“But let me say this clearly: a big congratulations as well to all our participants. Whether you went home with a trophy or just very tired legs, you all gave your best—and that already matters. In Sinulog, not everyone gets a medal, but everyone who offers their effort with love already wins in the eyes of the Child Jesus.” Ayon pa kay Archbishop Uy.
Ipinaalala rin ni Archbishop Uy na ang Santo Niño ay hindi nagbibilang ng puntos o pagkakamali, kundi nakikita ang pawis, sakripisyo, disiplina, at galak na iniaalay ng bawat deboto kung saan ang mga handog na ito ay Kanyang ginagantimpalaan sa paraang higit pa sa anumang tropeo.
Ipinahayag din ng Arsobispo ang kanyang lubos na pagmamalaki sa lahat ng kalahok, bilang pastol ng Simbahan at tulad ng isang amang nasaksihan ang pagsayaw, pagod, ngiti, at muling pagtayo ng kanyang mga anak.
“The Santo Niño is not counting scores or judging mistakes. He sees the sweat, the sacrifices, the discipline, and the joy you offered. And believe me, the Child Jesus is very good at rewarding effort—sometimes in ways better than trophies. As your Archbishop—and like a father who watched his children dance, stumble, smile, and get back up—I am very proud of all of you.” Pagbabahagi pa ni Archbishop Uy.
Hinikayat naman ni Archbishop Uy ang lahat na magpahinga, alagaan ang katawan, at higit sa lahat, ipagpatuloy ang pamumuhay sa mga pagpapahalaga ng Santo Niño, ang kagalakan, kababaang-loob, pagkakaisa, at pagmamahal kahit tapos na ang musika at mga kasiyahan.




