255 total views
Kay sarap isipin – sa pagtatapos ng bawat araw ng pagkayod, lahat ng pamilyang Filipino ay may uuwiang bahay. Ang sarap pangarapin – na sa bawat pighati at hamon na ating haharapin sa labas, may tahanang papawi ng pagod at luha. Ang sarap asahan – na may tahanang panangga ang bawat Filipino laban sa init ng araw, sa lakas ng ulan, at sa ginaw ng amihan. Lahat ng ito ay pawang mga pangarap na lamang ba?
Ang problema ng pabahay ay dama ng napakaraming pamilyang Filipino. Dekada na ang laban na ito, at hanggang ngayon, hirap pa rin itong mapag-tagumpayan. Tinatayang nasa 6.75 million housing units na ang backlog sa ating bayan. Kung di natin ito masolusyunan, lolobo ito ng 22 million housing units pagdating ng 2040.
Seryosong problema ang homelessness, kapanalig. Ayon nga sa Solicitudo Rei Socialis, “ang kakulangan ng pabahay ay dapat na makita bilang simbulo at pagbubuod ng isang buong serye ng mga pagkukulang ng ating lipunan. Ang laki ng ating pagkukulang. Kung titingnan natin ang pabahay sa bansa, ang layo natin mula sa tunay na kaunlaran ng tao.
Napakamahal kasi magkabahay sa Pilipinas. Ang mga ordinaryong mangagawa, lalo na ang mga nasa informal sector, hirap na hirap makakuha ng sariling tahanan. Kaya marami sa kanila, nagtatayo na lamang ng barong-barong sa mga loteng hindi rin nila pag-aari. Basta malapit sa kanilang trabaho, papatusin na nila. Bawas pa kasi sa kanilang maliit na kita ang pamasahe sa malayong tirahan pati na ang monthly amortization.
Ang iba naman, dahil sa mahal ng pabahay, ay napipilitang umupa. Ayon sa isang pagsusuri ng Philippine Statistical Research and Training Institute (PSRTI) noong 2015, mahigit 1.5 milyong pamilya ang umuupa sa bansa. Sa bilang na ito, mga 498,000 ang umuupa ng may halagang P1,000 hanggang P1,999 kada buwan. Mga barong-barong din ito kapanalig.
Nakakalungkot nga na naaubutan pa ng pandemya ang malawakang kawalan ng maayos na kabahayan ng maraming pamilyang Filipino. Alam naman natin kapanalig, ang barong-barong at magkakadikit na mga bahay ay walang kalaban-laban sa sakit gaya ng COVID-19. Ang hindi disenteng pabahay kapanalig ay imbitasyon sa sakit at sakuna.
Marami pang magagawa ang pamahalaan upang matulungan nito ang mga kababayan natin na makamit ang pangarap na pabahay. Ilan na rito ay ang pagpapalakas at pagpapalawig pa ng Community Mortgage Program ng pamahalaan, at ang pagbabago ng stratehiya mula sa pagtututok sa malalayong relocation sites tungo sa in-city o on-site housing. Kapag ganito ang ating ginawa, mababawasan ang mga pabahay na inabandona o hindi tinirhan, at hindi masasayang ang pondo ng bayan.
Kapanalig, ang tahanan ay karapatan ng bawat Filipino. Ang mga tahanang barong-barong, nakapwesto sa mga mapanganib na lugar, puno ng dumi at sakit, ay nakaka-demoralize at nakaka-dehumanize ng ating pagkatao. Sana, dumating na ang araw na wala ng ni-isang Filipino ang magtitiis at maghihirap pa sa ganitong sitwasyon.
Sumainyo ang Katotohanan.