19,528 total views

Homiliya para sa Kapistahan ni San Antonio de Padua, 13 Hunyo 2025, 2 Cor 4:7-15, Mat 5:27-32
Noon huling pyesta na nagmisa ako dito, ang ebanghelyo ang tinutukan ko ng pagninilay. Ngayon naman, ang unang pagbasa ang gusto kong tutukan. Isa ito sa mga paborito ko sa mga sulat ni San Pablo na katukayo ko. Ang tungkol sa Espiritu Santo bilang kayamanang ating taglay sa kabila ng ating pagiging mistulang marupok na palayok.
May kwento akong narinig tungkol sa isang parokya na may Adoration Chapel, at doon sa may entrada nito, ang linyang narinig natin kay San Pablo ay nakasulat: “May kayamanan tayong taglay sa marupok na palayok…”.
Minsan isang umaga, naligalig ang buong parokya nang mabalitaan na pinasok diumano ng magnanakaw ang nasabing Adoration chapel. Naintriga siguro siya sa nakasulat na kasabihan sa may entrada nito tungkol sa “kayamanang nasa marupok na palayok” at natukso siyang pasukin ang kapilya para nakawin ito. Nagtakbuhan daw ang mga parokyanong nagsisimba, kasama ang kura, nang ibalita ng sakristan na nakita niya ang wasak na bintana ng kapilya kung saan pumasok diumano ang magnanakaw. Naroon kasi sa loob ang Santisimo sa isang tabernakulong salamin na nakakandado pero nabuksan din, at nawawala ang gintong monstrance na lalagyan ng Santisimo Sakramento (ang konsagradong ostia na ating sinasamba bilang katawan ni Kristo). Siyempre, alalang-alala ang pari na baka nalapastangan ang Santisimo. Pero laking gulat niya: nawawala nga ang gintong lalagyan, pero ang konsagradong ostia, naroon sa ibabaw ng altar. Siguro nang mailabas na ng magnanakaw mula sa tabernakulong salamin ang monstrance, binuksan niya ito para alamin kong ano ba ang nilalaman, kung ano ba itong “kayamanang” sinasamba ng mga parokyano. Nang makita niyang kapirasong manipis na tinapay lang pala ang laman nito, iniwan niya sa ibabaw ng altar. Sabi ng pari, “Good news. Narito ang Santisimo. Tinangay ng magnanakaw ang lalagyan, iniwan niya ang kayamanan.”
Ito ang ating palaisipan sa araw na ito ng pyesta ng ating patron na si San Antonio ng Lisbon Portugal, na mas kilala bilang “San Antonio de Padua”, ang sikat na Franciscanong naakit sa kayamanang alok ni Kristo sa kanyang mga alagad na siyang dahilan kung bakit tinalikuran niya ang kapangyarihan, karangyaan, at katanyagan katulad ng ginawa ni San Francisco. Hanggang ngayon, manghang-mangha pa rin ang maraming mga tao sa mga naglalakihang katedral at mga kandelabra at mga kalis at siboryong ginto at pilak ng simbahang katolika. Akala nila iyun na ang tinuturing na kayamanan ng simbahan. Hindi natin sila masisisi sa kanilang kamangmangan, dahil madali talagang malinlang ang tao o mabudol sa mga kayamanang tumataginting at lumilipas. Ang pagiging Kristiyano ay may kinalaman sa paghahanap sa “ibang klaseng kayamanan”—pananampalataya, pag-asa at pag-ibig na bunga ng Espiritu Santong kaloob sa atin ni Hesukristo.
Di ba sinabi ni Hesus minsan: “Hangarin ninyo ang kayamanang makalangit na hindi mabubulok, at hindi aamagin o kakalawangin , kayamanang hindi kayang agawin at nakawin sa inyo.”
Ito daw ang dahilan kung bakit “kahit tayo gipitin hindi tayo malulupig, kahit tayo maguluhan, hindi tayo mawawalan ng pag-asa, kahit tayo malagay sa bingit ng kamatayan taglay pa rin natin sa ating marupok na katawan ang buhay ni Hesus dahil sa Espiritung ating sinasampalatayanan. Na siya pala ang nagkakaloob sa atin ng biyayang “siksik, liglig at umaapaw,” kaya abot-abot ang ating pasasalamat.
Nasabi ko na noon sa inyo na si San Antonio ang patron ng mga may hinahanap na nawawala sa kanila. Totoo iyon, pero hindi lang literal. Mas siryoso kaysa mawalan ng ari-arian ang mawalan ng katinuan, mawalan ng dangal, mawalan ng prinsipyo, mawalan ng paninindigan sa buhay. Di ba sinabi rin ni Hesus, “Ano ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong mundo ngunit mawala naman ang kanyang kaluluwa?
Mga kapatid, akayin natin ang isa’t isa. Huwag tayong magpabudol sa mga mapanlinlang, huwag tayong magpatukso sa kayamanang lumilipas. Tulungan natin ang mga nawawalan, pati na rin ang mga nagwawala, na mahagilap at muling matagpuan ang “tanging yaman” na laging naghihintay sa atin ngunit di natin lubusan masumpungan.