10,194 total views
Nakakagulat, kapanalig, ang datos ukol sa teenage pregnancy sa ating bansa. Ayon sa 2014 datos ng Philippine Statistical Authority (PSA), kada oras, 24 na sanggol ang sinisilang ng mga teenage mothers. Ang datos na ito ay sinususugan ng 2014 Young Adult Fertility and Sexuality (YAFS) study. Mga 14% ng mga Pilipina na may edad aged 15 to 19 ay buntis o di kaya mga ina na. Mataas ang bilang na ito, lalo na kung ikukumpara sa mga ibang bansa sa Southeast Asia. Tayo ang pinakamataas sa rehiyon kapanalig, at sa atin lamang tumataas ang bilang ng teenage pregnancy.
Ayon sa YAFS, dalawa sa mga dahilan ng mga kabataang nabubuntis ay ang pagkasira ng kanilang buhay pamilya at kawalan ng maayos na female role models sa kanilang tahanan. Maliban dito, marami sa mga teenage mothers ay maralita, at maraming eksperto ang nagsasabi, ang teenage pregnancy ay simtomas ng kahirapan.
Kapanalig, malaking isyu ang teenage pregnancy sa pamilya at lipunan. Unang una, malaki ang epekto nito sa buhay ng batang magsisilang at isisilang. Marami sa mga teenage mothers ay tumitigil mag-aaral, bago pa man mabuntis, o habang buntis. Marami sa kanila ay mahihirapan ng mag-aral pa o maghanap ng kasanayan dahil sa kanilang bagong obligasyon. Ang sanggol at ang ina ay maghihirap, at papahabain uli ang siklo ng kahirapan ng kanilang pamilya.
Ang teenage pregnancy ay malaki ang implikasyon sa health care ng bansa. Ito ay isang malaking health risk. Ang murang edad ng mga teenagers ay hindi lamang nangangahulugan na hindi pa sila hinog sa pag-iiisip. Ang kanilang katawan ay hindi pa rin handa sa mabilis na pagbabago na kaakibat ng pagbubuntis. Marami sa kanila ay nahihiyang magpa check up, hindi maayos ang nutrisyon, at nahaharap sa risk ng maternal death. Tumataas nga ang bilang ng mga teenagers na namamatay dahil sa pagbubuntis. Sampung porysento sa kanila ang namatay noong 2013.
Kailangan ng ibayong atensyon ng ating kabataan ngayon. Ang mga isyung kanilang kinahaharap ay nakakaparalisa at nakakapigil buhay sa kanilang hanay. Kailangan nila ng gabay una mismo sa kanilang pamilya. Hindi nga ba’t ang pagkasira ng pamilya at kawalan ng huwarang babae din ang ang ilan sa mga dahilan ng mga teenage mothers?
Ang pagpapatatag ng pamilya ay isang makapangyarihang tugon sa isyung ito. Kailangang,maiahon ang mas maramng pamilya sa karalitaan upang mabawasan ang bilang ng mga out of school youth. Kailangan mabigyan ang mga pamilya at ang kanilang anak ng mga kasanayan na maaring tumulong sa kanila gumawa ng maiinam na desisyon para sa kanilang sarili at pamilya. Kailangan din ng mas maigting na pastoral formation sa mga pamilya; kailangan silang mabigyang gabay ispiritwal.
Ang mga ito ay ilang ehemplo lamang ng pagtulong sa pamilya at sa kabataang nasasangkot sa mga isyu gaya ng teenage pregnancy. Marami pa tayong magagawa at dapat gawin. Ang Pacem in Terris ay niyayakag din tayong patatagin pa ang pamilya: “Most careful provision must be made for the family both in economic and social matters as well as in those which are of a cultural and moral nature, all of which look to the strengthening of the family and helping it carry out its function.”