1,037 total views
May 9 is the God’s time of “mercy and justice for the poor”.
Ito ang panawagan ni Caritas Manila executive director Father Anton CT Pascual sa 54.6-milyong botante na pipili ng bagong pangulo, pangalawang pangulo, Senador, Kongresista at mga lokal na opisyal sa darating na ika-9 ng Mayo, 2016.
Ipinaalala ni Father Pascual sa mga botante na ang ika-9 ng Mayo ay “time of change” at “KAIROS” o God’s time of mercy and justice for the poor.
Iginiit ng Executive Director ng Caritas Manila na ang mamamayang Pilipino ay nahaharap sa matinding digmaan laban sa kahirapan.
Ngunit, aminado si Father Pascual na ang sambayanang Pilipino ay natatalo sa laban nito kontra kahirapan o “war with poverty”.
“We are at war with poverty in this country and poverty is winning. That’s what we need change. May 9 is the day of change, it’s a Kairos, it’s God time of mercy and justice for the poor,” pahayag ni Father Pascual sa Radio Veritas.
Inihalimbawa ng pari ang pinakahuling survey ng Social Weather Station na 11.2- milyon na pamilyang Pilipino o 50-porsiyento ng kabuuang 23-milyong Filipino family ang nasasadlak o dumaranas ng kahirapan sa bansa.
Nabatid din sa datos na umaabot sa 10-milyong Pilipino o indibidwal ang walang trabaho sa kasalukuyan.
Sa tala naman ng Global Hunger Index, ika-51 ang Pilipinas sa 117-mga bansa na malubha ang antas ng kagutuman.
Ika-25 ng April 2016, inihayag ng Department of Agriculture na mahigit sa walong bilyong piso(P8-B) na ang kabuuang pinsala sa pananim ng lumalalang El Nino phenomenon o tagtuyot na nararanasan sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Sa buong Pilipinas, inihayag ng D-A na mahigit sa 180-libong farmers family ang dumadaing ng gutom at nagmamakaawa sa national government na ilabas na ang calamity funds o el nino funds na nakalaan para sa kanila.