21,359 total views
Nararapat malugod na tanggapin ni Makati Mayor Abby Binay ang “unintended consequences” sa territorial dispute sa Taguig dahil ang Makati mismo sa kanyang pamumuno ang nag-akyat ng usapin sa Korte Suprema.
Ayon kay Atty Darwin Canete, isang prosecutor at blogger, nang idulog ng Makati City ang kaso sa S-C at hingan ang mga mahistrado ng final determination sa territorial dispute ay batid ng alkalde na maaari silang matalo o manalo.
“Ngayong nagsalita na ang kataas taasang hukuman ay walang ibang opsyon si Binay bilang akalde ng Makati kundi ang magparaya sa nanalong partido, ang Taguig LGU.” ani Canete.
Inihayag ni Canete na ang paghahabol sa revenue-rich na Bonifacio Global City(BGC) ay pinursige ng Makati Ctiy mula pa noong panahon ni Makati City Mayor Jejomar Binay , Junjun Binay at Abby Binay kaya dapat naging handa na ang lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng pinal na desisyon sa kaso.
“Lahat naman ng kaso may ending.” giit ni Canete.
Naniniwala si Canete na ang paghahabol ng Makati city sa pagmamay-ari ng B-G-C ang dahilan kung bakit naagaw ng Taguig city na teritoryo ang 10-EMBO barangays na kilalang balwarte ng mga Binay.
Ipinaliwanag ni Canete na sa una pa lamang na desisyon ng Pasig City Regional Trial Court ay dehado na ang Makati dahil may pinanghahawakang titulo at presidential order ang Taguig habang ang land survey lamang mula sa isang private contractor ang katibayan nito.
Sa Transfer Certificate of Title (TCT) No. 1219 na may Survey Plan Psu-2031 na may petsang 1908 ang Fort McKinley ay nakahati sa 4 na parcels, ang Parcel 1 ay matatagpuan sa Pasay; Parcel 2 ay nasa Pasay at Parañaque; Parcel 3 ay nasa Taguig at Parcel 4 ay sa Taguig din, at noon pa man walang pagbanggit dito ng Makati.
Nang makuha ng Pilipinas ang kasarinlan mula sa mga Amerikano, ang Fort Mckinley ay ginawang Fort Bonifacio at sa ilalim ng Proclamation No. 423 na ipinalabas ni dating President Carlos Garcia ay malinaw na ang military reservation ay nasa ilalim ng Taguig.
Tinukoy din ni Canete na isa umano sa nakasira sa Makati ay ginawa nitong forum shopping o paghahanap ng friendly tribunal para humawak ng kanilang kaso.
“Following the SC’s finding of forum shopping, the Court of Appeals, where the case at that time was pending, dismissed the case. If Makati just accepted the dismissal, status quo lang sana: BGC/Fort Bonifacio would remain with Taguig, while EMBO barangays would remain with Makati. But Mayor Abby insisted on bringing again the matter to the SC and asked SC to decide the case not on what she called mere technicality but on the merits.” ani Canete.
Umaasa naman si Canete na para sa interes ng mga residente ay makipag-cooperate at kilalanin ni Mayor Binay ang desisyon ng Korte Suprema upang maging maayos ang turn-over sa 10-EMBO barangays.