17,849 total views
Nahalal na bagong chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison Pastoral Care si Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Florencio.
Pamumunuan ni Bishop Florencio ang CBCP-ECPPC kapalit ni Legazpi Bishop Joel Baylon na natapos ang dalawang termino bilang chairman ng kumisyon.
Sa ginanap na halalan sa unang araw ng 126th plenary assembly ng CBCP sa Marzon Hotel sa Kalibo Aklan nitong July 8, 2023, nahalal ding chairman ng Episcopal Office on Bioethics si Archdiocese of Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones habang pamumunuan naman ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto ang Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education at nahalal namang chairman ng Episcopal Commission on Cultural Heritage of the Church si Batanes Bishop Danilo Ulep.
Napili namang chairman ng Episcopal Commission on Liturgy si Ilagan Bishop David William Antonio at bagong pinuno naman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs si Infanta Bishop Bernardino Cortez.
Muling naihalal si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at magsisilbi pa ring Vice President ng kalipunan si Bishop Mylo Hubert Vergara ng Diyosesis ng Pasig.
Lubos naman ang pasasalamat ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo matapos muling mahalal na chairman ng Episcopal Commission on Justice and Peace at pangulo ng Caritas Philippines.
Tiniyak ni Bishop Bagaforo na kanyang isasakatuparan ang tatlong agenda sa panibago niyang termino na kinabibilangan ng pagpapatupad ng pinalawak na Alay Kapwa fund campaign na naglalayong kumuha ng 1,000,000 donors, pagpapalakas ng Justice,Peace, and Integrity Creation programs at pagpapalakas ng social network na binubuo ng 86 Diocesan Social Action Centers sa buong bansa.
Sa kasalukuyan 87 ang mga aktibong obispo, tatlong diocesan administrators sa 86 na diyosesis, arkidiyosesis, prelatura, at bikaryato habang 43 ang honorary members.
Ginaganap ang CBCP Plenary dalawang beses kada taon tuwing Enero at Hulyo.