Laban kontra smuggling, palalakasin ng PCL

 1,652 total views

Magiging mas epektibo ang kampanya ng Bureau of Customs (BOC) laban sa smuggling sa pagbuhay sa Philippines Customs Laboratory (PCL).

Ayon kay Customs Commissioner Rubio, sa pamamagitan ng P-C-L ay mas mapaiigting ang border security, at matutukoy kung tama ang buwis na ibinayad sa ipinapasok na produkto sa bansa.

Makakatuwang ng B-O-C sa implementasyon ng P-C-L ang Korea International Cooperation Agency (KOICA).

“This partnership with KOICA will contribute significantly to our vision of a modernized and credible Customs administration,” pahayag ni Commissioner Rubio.

Dumalo rin si Rubio sa 141st at 142nd Sessions ng World Customs Organization (WCO) Council na ginanap sa Brussels, Belgium mula Hunyo 22 hanggang ika-24 kung saan tinalakay ang mga international standard, guidance documents, at rekomendasyon upang mas lalong mapaganda ang serbisyo at kooperasyon ng mga Custom agency sa iba’t ibang bansa.

Dahil sa pinaigting na kampanya, ika-29 ng Hunyo 2023 ay naharang ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 7.15 kilo ng shabu na ibinalot na parang tsokolate at tinangkang ipasok sa NAIA Terminal 1.

Ang mga tsokolate ay dala ng isang Canadian national na sinasabing galing sa Mexico at dumating sa Pilipinas sakay ng Japan Airline Flight No. JAL741.

Napansin ng tauhan ng B-O-C ang kahina-hinalang dala ng pasahero ng dumaan ang bagahe sa x-ray inspection.

Agad na isinunod ang K9 inspection bago binuksan ang bag at doon nakita ang mga balot ng tsokolate na ang laman ay shabu na may kabuuang halaga na P48.6 milyon.

Noong Hunyo 27, nahuli naman ng mga tauhan ng BOC-NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang residente ng Las Piñas na tumanggap ng package kung saan itinago ang 1,460 gramo ng raw ecstasy.

Sa ulat itinago ang raw ecstasy sa chopping board mula sa Berchem, Belgium at dumating sa Central Mail Exchange Center (CMEC) noong June 20.

About The Author