2,550 total views
Nananawagan sa pamahalaan ang mga social action centers ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na gumawa pangmatagalang solusyon sa epekto ng pabago-bagong klima sa bansa.
Ayon kina Fr. Randy Salunga ng Tarlac at Fr. Danilo Martinez ng Nueva Segovia, matagal nang problema ng maraming lugar sa bansa ang biglaang pagtaas ng tubig, gayundin ang mga pagguho ng lupa lalo na tuwing may kalamidad.
“Sana nga po lalo na yung LGU at provincial government din namin na mapag-aralan po yung sitwasyon po na ito na masolusyonan din po itong palagiang pagbaha sa lugar ngayon,” ayon kay Fr. Salunga sa ginanap na telethon.
Nagpapasalamat naman ang mga pari sa mabilis na pagtugon ng simbahan sa pamamagitan ng social action arm ng Archdiocese of Manila ang Caritas Manila.
Ayon sa pari, mabilis nilang natutugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima at nararamdaman ang pagpapahalaga ng simbahan sa kawan sa kabila ng mga pagsubok na dala ng kalamidad.
“Nagpapasalamat din po kami sa Caritas Manila kasi sila ang unang nagbigay sa amin ng tulong. Kami ang unang naka-penetrate sa kanila sinusundan namin yung loader na naglilinis ng daan pumasok kami doon puro debris pero, we tried our best to help the people na in need,” ayon kay Fr. Martinez.
Ayon naman kay Gilda Garcia-program officer ng Caritas Manila Damayan, maaring ipadala ang donasyon cash or in-kind sa tanggapan ng Radio Veritas, Caritas Manila, at mga parokya o sa bank accounts ng Caritas Manila.
Bilang inisyal na tulong, nagpahatid na ng 800-libong piso ang Caritas Manila na paghahatian ng apat na arkidiyosesis at diyosesis na labis na naapektuhan ng bagyong Egay noong nakalipas na linggo. Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), higit 650-libong pamilya o 2.3-milyong katao ang naapektuhan ng bagyo.
Umabot na rin sa 25 ang kabuuang bilang ng mga nasawi, 52 ang nasaktan, habang 20 naman ang nawawala.