501 total views
Kapanalig, isa mga pinakamalaking iskandalo ng ating henerasyon ay ang ating hindi sapat na pangangalaga sa kapakanan ng ating mga pamilya. Kung susuriin natin ang takbo ng ating buhay ngayon, masasabi ba natin na tunay tayong naging maka-pamilya?
Unang-una, ang sahod ng karaniwang household head. Ayon sa 2015 Family and Income Survey, tinatayang 22 thousand kada buwan ang karaniwang sweldo ng mga kabahayan sa ating bayan. Ang average family size naman sa ating bansa ay 4.6. Sapat ba ang ganitong sweldo upang masiguro ang kapakanan ng mga bawat miyembro ng tahanan? Sapat ba ito para sa kalusugan at edukasyon ng bawat kasapi ng pamilya?
Ang sinasabing karaniwang sweldo na ito ay tila hindi rin nasakop ang karaniwang sweldo ng mga magsasaka at mangingisda ng ating bayan, na bumubuo ng ikatlo o one-third ng ating pwersang mangangawa. Nasa mga P160 lamang sweldo ng magsasaka kada araw, habang halos P180 lamang ang magsasaka. Sapat ba ito sa pagsuporta ng buhay ng pamilyang may karaniwang 4.6 ang laki?
Ang taas ng antas ng malnutrisyon sa ating bayan ay tila sagot na sa tanong ng kasapatan ng kita ng pamilya. Tinatayang isa sa tatlong bata sa ating bansa ay malnourished . Nasa 33.4% na ang chronic malnutrition rate sa ating bansa.
Isang malaking isyu din ang child-care o pag-iintindi sa mga bata habang ang mga magulang nito ay nasa trabaho. Naisasama ba natin ang isyung ito sa ating mga panlipunang plano? Kapanalig, sa ating bansa, mas humahaba ang oras na hindi kapiling ng mga magulang ang kanilang mga anak, una sa dahil sa migrasyon, pangalawa, dahil sa traffic, particular na sa mga syudad. Walang mga public day-care centers na mag-iintindi sa ating mga maliit na anak habang tayo ay nasa labas ng bahay. Mahirap din para sa maraming magulang ang makakuha ng trabaho na may flexible working hours. Nakasalalay tayo sa mga kaanak o kasambahay.
Kapanalig, panahon na upang tunay nating makita na tila hindi sapat ang ating nagagawa bilang isang kristyanong lipunan. Ang ating mga pamilya, sampu ng mga bata sa ating mga komunidad, ay hindi natin nabibigyan ng tunay na suporta at maayos na pangangalaga. Ang ating mga sistema at gawi bilang isang lipunan ay hindi tunay na maka-pamilya.
Hiramin natin ang mga paalala mula sa Economic Justice for All ng US Catholic Bishops, na angkop sa ating tema ngayo: Ang ating mga polisiya pati ang pag-organisa ng ating mga trabaho ay dapat lagi nating sinusuri ayon sa epekto nito sa katatagan ng pamilya. Ang ating kinabukasan ay nakatali sa kaayusan ng mga pamilya at ng mga supling nito. Kailangan nating suriin kung ang oras at kita mula sa trabaho ay banta na, at hindi tunay na nakakatulong sa kabutihan ng mga mag-asawa at ng kanilang mga anak.