235 total views
Utang na loob na itinuturing ni Pondo ng Pinoy (PnP) Community Foundation Executive Director Anthony Badilla kay Gaudencio Cardinal Rosales ang tagumpay ng organisasyon.
Ayon kay Badilla, kung hindi sa pamamagitan ng Kardinal ay hindi makapagbibigay ng serbisyo ang PnP sa mga maralitang Filipino sa bansa at makapaghahatid ng motibasyon sa pagpapanatili ng dignidad ng buhay.
“Kami ay totoong tumatanaw ng malaking utang na loob kay Cardinal Rosales [sapagkat] napakalaki ng kanyang naging kontribusyon sa simulain ng Pondo ng Pinoy. Dahil po kay Cardinal Rosales, ang Pondo ng Pinoy ay labing tatlong taon na at patuloy pong lumalakas at lumalawak sa iba’t ibang panig ng Pilipinas,”salaysay ni Badilla.
Taong 2004 noong itinatag ni Cardinal Rosales ang Pondo ng Pinoy na may layuning maging simbahan ng mga dukha sa Pilipinas habang binibigyan ng panibagong oportunindad ang mga kapus-palad tulad ng mga programang pangkabuhayan at edukasyon.
Kasabay ng pagbati sa Kardinal ay ang panalangin at pangako ni Badilla na ipagpapatuloy nito ang magandang simulain ng organisasyon at patuloy na isasabuhay ang tunay na diwa ng paglilingkod.
“Ang panalangin namin sa Pondo ng Pinoy ay patuloy s’yang pagkalooban pa ng Panginoon ng malakas na pangangatawan nang sa gayon ay marami pa ring s’yang mainspire na mga kababayang Kristiyanong Katoliko.
Kami sa Pondo ng Pinoy, makakasiguro si Cardinal Dency na ang kanyang simulain ay magpapatuloy,” ani Badilla.
Mababatid noong 2015 umabot sa 21,000 malnourished na mga bata ang napakain at natulungan ng Pondo ng Pinoy sa loob ng anim na buwan sa ilalim ng programa nitong Hapag-Asa Feeding program.
Kahapon ay ipinagdiriwang ni Cardinal Rosales, ang ika-apat na Pilipinong Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Manila ang kanyang ika-85 kaarawan.