213 total views
Tutulungan ng University of Santo Tomas Psycho-trauma Clinic ang mga magsasaka sa Kidapawan na nakaranas ng patong-patong na traumatic experiences dahil sa nararanasang epekto ng matinding El Niño at marahas na pagbuwag sa kanilang kilos-protesta sa Kidapawan, North Cotabato.
Ipinaliwanag ni Rev. Father Edgardo De Jesus – University of Santo Tomas Psycho-Trauma Clinic Counselor na ang kawalan nang pagkain at pagdanas ng matinding gutom ay isang traumatikong karanasan na makakaapekto sa pag-iisip ng isang tao.
Nilinaw din ng pari na ang karahasang dinanas ng mga magsasaka mula sa violent dispersal ng kanilang barikada noong unang araw ng Abril ay makadaragdag sa pinagdadaanan nitong “traumatic stress”.
“Una, El Niño diba, may drought so walang food, yung gutom itself is already very traumatic sa tao. Pangalawa, yung nangyaring dispersal na violent na may mga namatay saka nasaktan, at yung mga cases na maaaring binigay ng PNP, yung violence na yan is also traumatic din. So, technically posibleng panggalingan ng mga trauma symptoms nyan is from the community itself.”pahayag ni Father De Jesus sa Radyo Veritas
Gayunman, inihayag ni Father De Jesus na kinakailangang munang tugunan ang “biological needs” ng mga residente sa Cotabato.
Sinabi ng pari na bago ang pagsasagawa ng mga psychological interventions, dapat munang lamanan ang kumakalam na sikmura ng mga magsasaka.
“When it comes to intervention, una muna bago ka magbigay ng psychological intervention, ma-handle muna yung gutom nila”.paglilinaw ni Father De Jesus
Tiniyak ni Father De Jesus na nakahanda ang University of Santo Tomas Psycho-Trauma Clinic na makipag-ugnayan at tumulong sa mga komunidad na naapektuhan.
Simula Mayo 2014, nabatid na ng PAGASA ang paparating na matinding tagtuyot sa bansa subalit hindi ito napaghandaan ng pamahalaan.
Dahil dito nagprotesta ang may limang libong magsasaka na anim na buwan nang nagugutom at walang maitanim.
Sa pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si, ikinalungkot nito na ang mga mahihirap ang pinakamahina at unang naaapektuhan ng mga pagbabagong nagaganap sa kalikasan.