511 total views
Mga Kapanalig, sa ngayon, bahagya nang humuhupa ang tensyong dala ng katatapos pa lamang na eleksyon. Nagbunyi ang mga nanalo at ang kanilang mga tagasuporta. Nalungkot naman ang mga hindi pinalad ngunit pinagagaan ang bigat na nararamdaman ng mga tumaya sa kanila. Mayroon ding mga natatakot at nababahala sa mga maaaring mangyari sa ilalim ng pamahalaang hindi malinaw ang daang tutunguhin dahil wala namang malinaw na planong inihain sa atin.
Madalas na ginagamit ang kasabihang vox populi, vox Dei sa tuwing matatapos ang halalan at kapag malinaw na kung sinu-sino ang magiging mga bagong lider. Isinasalin ito sa Ingles bilang “the voice of the people is the voice of God.” Ang boses daw ng mga sambayanan ay ang boses ng Panginoon, kaya’t sa mga hindi raw matanggap ang naging desisyon ng mas nakararaming botante, wala na raw silang magagawa. Makasaysayan pa nga raw ang halalan ngayong taon dahil tinatayang 80% ng mahigit 67 milyong Pilipinong nagparehistro ang bumoto, at malaki ang lamang ng mga nanalo.
Gasgas na ang paggamit ng vox populi, vox Dei upang bigyang-katwiran ang pagtanggap sa resulta ng eleksyon. Pero sa totoo lang, ang unang paggamit ng mga salitang ito ay negatibo pa ang konsteksto. Ginamit ito ng English scholar na nagngangalang Alcuin of York sa kanyang sulat kay Charles the Great o Charlemagne, ang hari ng mga Franks sa lugar na ngayon ay ang Germany. Payo ni Alcuin sa hari, hindi dapat pakinggan ang mga nagsasabing ang boses ng mga tao ay ang boses ng Diyos, dahil ang ingay na kanilang nililikha ay para bang pagkawala sa kanilang sarili. Hindi rin natin matatagpuan sa anumang turo ng Simbahan ang katotohanan ng vox populi, vox Dei.
Kung hindi man boses ng Diyos ang boses ng sambayanan, tiyak na mayroon pa ring ipinararating na mensahe sa atin ang Panginoon. Ngunit hindi ito madaling makita, hindi madaling maunawaan. Ito ay misteryong matatagpuan natin sa patuloy nating paglalakbay bilang isang bayan, at maaari itong magsimula sa ilang tanong sa ating mga sarili.
Halimbawa, mahalaga ba sa atin ang isang mayos at malinis na gobyerno? Kung oo, nakikita ba natin ito sa mga pinili ng mas nakararaming botante? Kung gagamitin nating batayan ang nasasaad sa Exodo 18:21, pumili ba tayo “ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan”? O baka naman ang mahalaga lang sa atin ay ang panandaliang suhol at handa tayong manlimos sa mga pulitiko sa oras ng ating pangangailangan?
Maaari din nating itanong: anu-anong katangian nating mga Pilipino ang tumingkad ngayong eleksyon? Saan natin ginamit ang mga katangiang ito: sa pagpapalaganap ba ng katotohanan o sa panloloko sa ating kapwa? Mahalaga ba sa atin ang katotohanan? Sabi nga sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate, “Only in truth does charity shine forth, only in truth can charity be authentically lived.” Kung ipinagmamalaki natin ang pagkakaroon natin ng malasakit sa ating kapwa at pagkakaisa, lalo na sa panahong kailangan ng pagbabayanihan, masasabi ba nating ginagabayan tayo ng katotohanan sa pag-aabot natin ng tulong sa iba?
Isa pang tanong: mahalaga ba talaga sa atin ang ating kalayaan at mga karapatan? O wala tayong nakikita sa isang gobyernong pinamamahalaan tayo gamit ang pananakot at mga parusa upang magkaroon ng disiplina? Anong uri ng lipunan ang gusto natin kung ayaw natin ng may mga pumupuna sa ating mga pinuno?
Mga Kapanalig, may isa pang kasabihan: “The government you elect is the government you deserve.” Ang gobyernong inihahalal natin ay ang gobyernong nararapat sa atin. Naniniwala ka ba rito? Sa mga susunod na buwan at taon, makikita natin ang tatahakin nating landas sa ilalim ng bagong administrasyon.