1,479 total views
Muling pinagtibay ng Pilipinas at European Union (EU) ang kanilang pagtutulungan para sa kapakinabangan ng mamamayan, lalo na sa larangan ng edukasyon.
Sa pamamagitan ng Erasmus+ Programme ng EU, 53 Pilipino ang magpapatuloy ng kanilang pag-aaral sa iba’t ibang unibersidad sa Europa, partikular sa mga EU member state.
Sa send-off ceremony na inorganisa ng EU Delegation to the Philippines katuwang ang Campus Erasmus (samahan ng Erasmus+ alumni mula sa Pilipinas), binigyang-pugay ni Chargé d’Affaires a.i. Frederic Grillet ang mga bagong scholars.
“Be ambassadors of goodwill and agents of change to help strengthen the partnership between the EU and the Philippines,” ani Grillet.
Hinimok din ng opisyal ang mga iskolar na gamitin ang kanilang makukuhang karanasan at kasanayan sa Europa para sa ikauunlad ng Pilipinas.
Ang Erasmus+ Programme ay nagbibigay ng makabuluhang pagkakataon para sa mga estudyanteng Pilipino na maranasan ang kultura ng Europa, matuto ng kanilang mga wika, at maging bahagi ng lipunang Europeo sa loob ng isa hanggang dalawang taon.
Simula noong 2004, tinatayang nasa 800 Filipino students na ang nakinabang at nakapagtapos ng kanilang masteral at doctorate programs sa iba’t ibang unibersidad sa Europa sa ilalim ng nasabing programa.
Kinilala rin ang Erasmus+ bilang isa sa mga nangungunang international academic mobility programmes sa buong mundo, na nagbibigay-diin sa EU bilang sentro ng kahusayan sa edukasyon at pagpapalago ng pandaigdigang kooperasyon sa larangan ng pag-aaral.
Matatandaang sa ensiklikal ni Pope Pius XI noong 1929 na pinamagatang ‘Divini Illius Magistri’ binigyang diin nitong mahalagang gampanin ng Simbahan ang pagbabantay sa kabuuang edukasyon ng kabataan na hindi lamang nakatuon sa pagtuturo ng relihiyon kundi sa lahat ng larangan ng kaalaman na may kinalaman sa pananampalataya.
Iginiit ng santo papa na ng tunay na layunin ng edukasyon ay ang ganap na paghubog ng tao—hindi lang sa talino, kundi pati sa moralidad, espiritu, at pakikisalamuha—upang maituro ang landas tungo sa Diyos.