501 total views
Hindi dapat na gamitin ng mga politiko ang mga mahihirap sa pangangampanya sa 2022 national at local elections.
Ito ang binigyang diin ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa paggunita ng World Day of the Poor sa kasagsagan ng paghahanda at pangangampanya ng mga kandidato sa nakatakdang halalan.
Binigyan diin ni Bishop Pabillo sa kanyang Pastoral Visit On-Air sa Radio Veritas na hindi katanggap-tanggap ang paggamit at panlilinlang ng mga politiko sa mga mahihirap gamit ang pera.
Inihayag ng Obispo na dapat ginamit ng mga pulitiko ang kanilang pera sa pagbibigay ng totoong serbisyo at tulong hindi para bilhin ang boto ng mga tao.
“Yan yung masama na ang mga politiko they want people to remain poor so that they can instrumentalized them, magamit nila at ignorant nga at marami silang pwedeng malinlang, yan yung masama. Sa pangangampanya ay dapat talagang tulungan ang mga mahihirap, hindi gamitin ang mga mahihirap,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Tinukoy ng Obispo ang talamak na vote buying sa bansa tuwing halalan na isang paraan ng mga politiko upang malinlang ang mga mahihirap sa kanilang kunwaring pagtulong.
Iminungkahi ni Bishop Pabillo na sa halip na vote buying ay nararapat na imulat ng mga pulitiko sa mamamayan ang tunay na kalagayan ng mga mahihirap na nangangailangan ng konhkretong pagtugon.
Pinaalalahanan naman ng Obispo ang mga botante na maging mapanuri sa tunay na hangarin at karakter ng mga pulitiko.
“Ang pagsusuri sa track record ng mga politiko na tumutulong na sa mga mahihirap bago pa man maghain ng kandidatura sa nakatakdang halalan ang isang pinakaepektibong paraan upang malamang kung tunay at dalisay ang intensyon ng mga ito,” payo ni Bishop Pabillo. Tema ng ikalimang taong paggunita ng World Day of the Poor ang “The poor you will always have with you”.