143,328 total views
Mga Kapanalig, mariing pinabulaanan ng Department of Transportation (o DOTr) ang pagbabalik ng modus na tanim-bala sa ating mga paliparan. Noong nakaraang buwan kasi, ilang pasahero ang sinita matapos matuklasan sa x-ray na may bala ng baril sa kanilang bagahe. Isa ito sa mga bagay na ipinagbabawal sa mga bumibiyahe sa eroplano.
Noong Marso, may tatlong insidente ng diumano’y tanim-bala, matapos itanggi ng mga pasahero na sinadya nilang magdala ng bala sa kanilang bitbit na bag. Ang una ay isang babaeng senior citizen na ayon sa kanyang pamangkin ay imposibleng maglagay ng bala sa kanyang bag. Nagtatrabaho daw sa immigration ang anak ng sinitang pasahero kaya alam daw niya ang mga ipinagbabawal dalhin. Ang sumunod na pangyayari ay kinasangkutan naman ng isang lalaking mangingibang-bansa para magtrabaho, pero iditene siya dahil may natuklasang apat na bala sa kanyang bag. Naniniwala ang pamilya ng pasahero na hindi sa kanilang kaanak ang kinumpiskang mga bala. Sangkot sa panghuling kaso ng sinasabing tanim-bala ang isang 72-taong gulang na babae. Nang dumaan ang kanyang bagahe sa x-ray, nakita ang isang balang nakalagay sa loob ng selyadong garapon ng bagoong. Ipinadala lang daw sa kanya ang bagoong at hindi niya alam na may bala palang kasama sa lalagyan.
Matatandaang nagsimula ang modus na ito bago ang eleksyon noong 2016. Ginamit itong isyu para palabasing inutil ang administrasyon noon ng namayapa nang si dating Pangulong Noynoy Aquino. Naging bala rin ito, ‘ika nga, ng mga pulitikong gustong iangat ang kanilang sarili at makuha ang boto ng publiko. Nang maupo sa puwesto si dating Pangulong Duterte, aba’y biglang tumigil ang mga balita tungkol sa tanim-bala. Iniutos lang daw niyang huwag nang pigilan sa pag-alis ang mga pasaherong may bala sa kanilang bagahe, bagay na nagpawala raw sa mga tauhan ng paliparang naglalaglag ng bala para umano huthutan ang mga mahuhuli. Ngayon, may mga nagsasabing pakana lang ng mga kontra sa administrasyon ang tanim-bala para palabasing walang silbi ito sa pagsugpo sa isang napakaliit na problema.
Mabilis na kumalat ang mga kuwento tungkol sa tanim-bala, salamat sa mga posts sa social media na mabilis pa sa apoy kung kumalat. Bagamat nanindigan ang DOTr na hindi nagbabalik ang modus na tanim-bala, hindi raw nito palalampasin ang mapatutunayang pang-aabuso ng mga tauhan ng iba’t ibang ahensya ng kagawaran na nakatalaga sa ating mga paliparan. Iniutos na rin ni Pangulong BBM na imbestigahan ang mga naitalang kaso ng diumano’y tanim-bala. Mananagot daw ang dapat managot.
Asahan nating sasakyan ng ilan ang isyu ng tanim-bala at ihahanay ito sa mga balitang nagpapatunay daw na tumitindi muli ang kriminalidad sa ating bansa. Nagbalikan daw ang mga adik at nagtutulak ng droga sa mga lansangan at komunidad. Kaliwa’t kanan na naman daw ang mga kaso ng panggagahasa at pagpatay. Lumakas daw muli ang loob ng mga magnanakaw at scammers. Sounds familiar ba, mga Kapanalig?
Mag-ingat tayo sa mga nababasa natin tungkol sa mga ganitong pangyayari, lalo na kung mula ang mga ito sa social media. Maliban sa lumilikha ang mga ito ng takot at pangamba, nagagamit din ito para sa paninira at pagkakalat ng fake news. Dapat lang na mabahala tayo sa mga modus na layong mambiktima ng mga inosente, pero maging mapanuri din tayo sa mga naririnig at nababasa natin dahil hindi imposibleng gawa-gawa lang din ang mga ito. Huwag tayong paloloko, paalala nga sa 1 Corinto 15:33.
Mga Kapanalig, tungkulin nating laging piliin, ipagtanggol, at panindigan ang totoo. Sa isyu ng tanim-bala, alamin muna ang totoo. Baka mabudol na naman tayo at maniwalang may malaking problema na naman tayong kinakaharap.
Sumainyo ang katotohanan.