12,607 total views
Mga Kapanalig, bago pa man magsimula ang official campaign period para sa eleksyon 2025, gumastos na ang mga kandidato ng mahigit 10 bilyong piso. Ito ay noong 2024 lamang. Sa halagang ito, 60% ay gastos ng apat na kandidato lamang. Wala pa tayong nakakalap na datos kung gaano kalaki na ang iniakyat nito ngayong 2025.
Hindi ba sila nanghihinayang sa perang ito? Bakit ganoon na lamang kalaki ang investment nila, ‘ika nga, sa pagtakbo sa pulitika? At panghuli, paano kaya nila babawiin ang ginastos nila?
Marami sa mga kandidato sa pagkasenador o sa pagiging party-list representative ay nangangakong tutulong sa mga Pilipinong umangat sa buhay at umahon sa hirap. Ayuda, trabaho, pabahay, kalusugan, edukasyon, murang pagkain, ligtas na kapaligiran—lahat ng mga ito ay iniaalok sa atin ng mga pulitikong nanunuyo para sa ating matamis na “oo” pagdating ng araw ng halalan. Bilyun-bilyong piso na ang kanilang ginastos para sa pangangampanya sa isang bayang kapos at salat.
Sa survey na ginawa ng Social Weather Stations (o SWS), mas dumami ang mga Pilipino nagsabing “mahirap” sila. Isinagawa ang survey noong Abril, at ito ang pangatlo sa magkakasunod na buwang tumataas ang bilang ng mga itinuturing ang kanilang sarili na “mahirap”. Nasa 55% daw ang nagsabing sila ay “mahirap”, mas mataas sa 52% na naitala noong Marso at sa 51% noong Pebrero.
Linawin nating ang sinusukat ng SWS ay ang pananaw o pakiramdam ng mga kalahok sa survey kung sila ay mahirap o hindi. Tinatawag itong self-rated poverty. Sa interview sa mga survey respondents, tinatanong sila kung sa tingin nila ay sila ay mahirap (o poor), hindi mahirap (o not poor), o nasa gitna (o borderline). Iba ito sa opisyal na survey ng gobyerno kung saan nakatakda na ang halagang sinasabing sapat para hindi maituring na mahirap ang isang pamilya. Ang survey ng SWS ay sumasalamin sa ibang aspeto ng realidad natin, pero indikasyon pa rin ito ng sitwasyon sa ating bansa: maraming mahirap sa ating bansa.
Parang sirang plaka na ang mga kandidato sa pagsasabing kikilos sila para makaahon ang ating mga kababayan sa kahirapan. Sa pamamagitan man iyan ng mga batas o ng mga programa, lagi nilang ipinapangako ang pagsugpo sa kahirapan. Pero sa haba na ng panahon mula nang maibalik sa mga mamamayan ang kapangyarihang bumoto, bakit kaya nananatiling kapos sa buhay ang milyun-milyong Pilipino? Nakapagtataka ito dahil kayang-kaya ng mga pulitikong gumastos para sa pangangampanya samantalang sinasabi nilang kakampi sila ng mga iniiwan, inaapi, at isinasantabi. Parang may hindi tugma.
Eleksyon na sa susunod na Lunes. May panahon pa para pag-isipang mabuti kung kani-kaninong pangalan ang ating lalagyan ng shade sa ating balota. Huwag na nating isama ang mga pulitikong ginagamit ang kahirapan ng ating mga kababayan para palabasing ang kanilang pagkakaluklok ang magiging solusyon sa problemang ito. Lumang tugtugin na ‘yan. Ilang kapamilya na nila ang binigyan natin ng pagkakataon. May nangyari ba? Base sa resulta ng SWS survey, mukhang wala.
Ang iboto natin ay ang mga kandidatong alam ang tungkuling nakaatang sa posisyong habol nila. Huwag tayong padadala sa mga patalastas at sa mga gasgas nang pangako. Piliin natin ang mga may tunay na nagawa na—hindi para umasa lamang ang mga tao sa gobyerno kundi para mabigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng hanapbuhay dahil nakapag-aral sila, nakakakain sila, at malulusog sila. Ang mga lingkod-bayan, base sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes, ay tumutulong sa mga taong tulungan ang kanilang sarili at tulungan din ang iba.
Mga Kapanalig, ngayong eleksyon, humingi tayo ng karunungan sa Diyos, paalala nga sa Santiago 1:5. Vote wisely!
Sumainyo ang katotohanan.