80 total views
Pinangunahan ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang pagtanggap sa bikaryato kay United States Ambassador to the Philippines, MaryKay Loss Carlson na bumisita sa Puerto Princesa.
Sa ibinahagi ng mga larawan ng AVPP Social Communications ay makikita na personal na pinangunahan ng Obispo ang pagbibigay ng 20-minute heritage walk sa Immaculate Conception Cathedral sa Puerto Princesa na una ng kinilala bilang isang “Important Cultural Property” ng National Museum of the Philippines noong March 2023.
Sa naganap na Cathedral Tour ay ibinahagi rin ni Bishop Mesiona kay Ambassador Carlson na ang ilang pambihirang desenyo ng Katerdral ay gawa ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Iwahig Prison and Penal Farm na matatagpuan sa probinsya.
Ibinahagi rin ng Obispo kay Ambassador Carlson ang imahen sa katedral ni Saint Ezekiel Moreno -na siyang unang kura paroko ng Puerto Princesa at isa sa mga co-founding father ng lungsod.
Bukod sa iba pang mga kawani ng US Embassy ay kasama ring bumisita ni Ambassador Carlson sa Puerto Princesa Cathedral ang ilang mga kinatawan ng tourism office ng lungsod sa pangunguna ni City Tourism Officer Demetrio Alvior Jr.
Matatandaang nang idineklara ang Immaculate Conception Cathedral ng Puerto Princesa, Palawan bilang isa sa Important Cultural Property (ICP) o Mahalagang Yamang Pangkalinangan noong Marso ng taong 2023 ay ibinahagi ni Bishop Mesiona na maituturing itong pagkilala ng estado ang kagandahan, kahalagahan at mayamang kasaysayan na tinataglay ng katedral hindi lamang sa bahagi ng kasaysayan ng Simbahan at pananampalatayang Katoliko, kundi maging sa kasaysayan ng Puerto Princesa, Palawan.
“Ang pagkilala ng Immaculate Conception Cathedral ng Apostoliko Bikaryato ng Puerto Princesa na isang ‘Important Cultural Property’ o ICP ay desisyon ng National Museum of the Philippines at ito’y ipinaalam na lang sa amin. Isang magandang development ito dahil opisyal kinikilala ang kagandahan at kahalagahan ng aming katedral. Hindi lamang makilala ngayon ang Puerto Princesa sa kagandahan ng kanyang karagatan at ng underground river kundi pati na din ang aming katedral. Katunayan isa ito sa mga pinupuntahan ng mga turistang na namamasyal sa aming lalawigan.” Bahagi ng naging pahayag ni Bishop Mesiona sa Radyo Veritas noong Marso, 2023.
Ang titulo ng Important Cultural Property (ICP) ay iginagawad sa mga ari-arian o istruktura na may malaking ambag at kinalaman sa makasaysayang kultura at artistiko sa bansa.