40,245 total views
Nagpahayag ng kagalakan si Divine Word missionary priest Fr. Flaviano “Flavie” Villanueva, SVD sa naging makabuluhang misyon ng institusyon sa nakalipas na sampung taon.
Ayon sa Pari na siya ring President and Founder ng Arnold Janssen Kalinga Foundation Inc. (AJKC), sa pamamagitan ng tulong at biyaya ng Panginoon ay naging posible ang pagsasakatuparan ng institusyon sa misyon nitong kalingain ang mga palaboy at dukha sa lansangan bilang kongkretong tugon sa panawagan ni Hesus.
Pagbabahagi ni Fr. Villanueva, sa loob ng nakalipas na sampung taon mula ng maitatag ang Arnold Janssen Kalinga Center noong 2015 ay marami ng buhay ang nabago at umangat mula sa mga dating nasa kalye ay mayroon na ngayong kaaya-ayang buhay.
“Napatunayan natin sa sampung taon na merong mga buhay na nabago, merong mga buhay na umangat, merong mga buhay na dati nasa kalye, ngayon ay kaaya-aya na ito ay sapagkat sinunod natin ang panawagan ni Hesus ‘nung ako ay nagugutom, nung ako’y nauuhaw ako ay iyong kinalinga’.” Bahagi ng pahayag ni Fr. Villanueva sa Radyo Veritas.
Nanawagan naman ang Pari sa lahat ng mga natulungan at nakaranas ng pagkalinga ng Arnold Janssen Calinga Center na patuloy na pagyamanin ang kanilang karanasan mula sa institusyon sa pamamagitan ng pagbabahagi rin ng tulong sa kapwa nangangailangan at pagiging isang saksi ng Mabuting Balita ng Panginoon maging sa kalye.
“Sa mga natulungan, sa mga nakalinga gayundin kung paano kayo kinalinga ng Arnold Janssen Calinga Center pagyamanin niyo po ito, lalong higit sa pagiging saksi sa kalye ng Mabuting Balita.” Dagdag pa ni Fr. Villanueva.
Nagpaabot naman ng taus-pusong pasasalamat si Fr. Villanueva sa lahat ng mga tumulong at patuloy na sumusuporta sa misyon ng Arnold Janssen Calinga Center na kalingain ang mga nasa laylayan ng may galak.
Mensahe ni Fr. Villanueva, “Sa mga tumulong, sa mga nakibahagi at sa mga makikibahagi bukas ang atin pong Diyos ay patuloy na nangangalinga sa atin, sana kalingain din natin yung mga nasa laylayan at gawin natin ang pagkalingang ito ng may galak, salamat po and may God bless you more.”
Ibinahagi naman ng Pari ang kanyang pangarap mula ng unang pasinayaan ang pasilidad noong 2015 na binasbasan ng noo’y Arsobispo ng Manila na si Cardinal Luis Antonio Tagle.
Ayon kay Fr. Villanueva, bahagi ng kanilang pangarap na balang araw ay magsara ang Kalinga Center hindi dahil sa pinasara ito ng pamahalaan kundi dahil sa hindi na kakailanganin pa ang serbisyo nito sapagkat wala ng mga palaboy na nangangailangan ng pagkalinga sa lansangan.
Umaasa rin ang Pari na tuluyan ng mabago ang kaisapan ng lipunan na masasamang tao ang mga palaboy sapagkat tanging opurtunidad o pagkakataon lamang ang kanilang kinakailangan upang makapagbagong buhay.
“Idudugtong ko po sa pangarap ng ating butihing Cardinal Chito [Luis Antonio] Tagle na balang araw magsara ang ating Kalinga Center hindi dahil pinasara ng gobyerno bagkus dahil hindi na kailangan at sa paraan ng pagkamit ng parangap na ito magsara din unti-unti yung kaisipan ng mga tao na ang mga homeless ay masasamang tao, yung mga homeless ay mga pusakal at patapon, hindi po.” Ayon pa kay Fr. Villanueva.
Payak na ipinagdiwang ang ika-10 anibersaryo ng Arnold Janssen Kalinga Center sa pamamagitan ng ‘Misa ng Pasasalamat sa Isang Dekada ng Pagkalinga Kasama ang Maralita at Sugatan’ na pinangunahan ni Rev. Fr. Eduardo Varquez, Jr. OMI na nangangasiwa sa Justice, Peace and Integrity of Creation (JPIC) ng Oblates of Mary Immaculate.
Tema ng ika-10 anibersaryo ng Arnold Janssen Kalinga Center ang “Mula sa Kapuspusan ng Kanyang kagandahang-loob. Tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob na pagkalinga at paghilom.”






