23,519 total views
Pinaalalahanan ni Cebu incoming Archbishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na tularan ang Mahal na Birheng Maria sa kanyang pakikibahagi at pakikilakbay sa mga nahihirapan.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa kapistahan ng Our Lady of Sorrows noong Setyembre 15, na nagbibigay-diin sa pitong dalamhating dinanas ng Mahal na Ina, lalo na sa paanan ng krus kung saan ipinako at namatay si Hesus.
“Many people today carry heavy crosses: poverty, corruption, injustice, broken families, addictions, or violence. Our Lady of Sorrows tells us: ‘Do not abandon them. Stand with them. Pray with them. Offer love in the midst of pain,’” ani Archbishop Uy.
Binigyang-diin ng arsobispo na sa gitna ng matinding hirap at kadiliman, hindi iniwan ni Maria si Hesus, bagkus ay nanatili siyang tapat kahit iniwan na siya ng karamihan sa mga apostol.
“How many of us, when we face trials, are tempted to walk away from God? But Mary teaches us to remain faithful even when it hurts, to trust that beyond Good Friday, there is Easter Sunday,” dagdag pa ng arsobispo.
Hinikayat din ni Archbishop Uy ang mga mananampalataya na sa oras ng karamdaman, kabiguan, o matitinding pagsubok ay humarap kay Maria na naggagabay tungo sa kanyang Anak na si Hesus.
Aniya, ang mga karanasan ni Maria ay hindi lamang alaala ng nakaraan kundi aral para sa lahat na manatiling tapat, makiisa sa kapwa, at maghanap ng kapanatagan sa Diyos.
Ang Kapistahan ng Our Lady of Sorrows ay ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing Setyembre 15, kasunod ng Pagtatampok sa Krus na Banal. Nagsimula ang debosyon noong ika-13 siglo sa pamamagitan ng mga Serbites (Servants of Mary) na nagpalaganap ng pagninilay sa pitong hapis ni Maria. Noong 1817, ipinag-utos ni Papa Pio VII ang mas malawak na pagdiriwang bilang pasasalamat sa kanyang paglaya mula sa pagkakabihag.
Sa Pilipinas, kilala bilang Pueblo Amante de Maria, tanyag ang debosyon sa Mater Dolorosa lalo na tuwing Mahal na Araw, kung saan binibigyang-diin ang makainang pagkalinga at pananampalataya ng Birheng Maria.






