6,772 total views
Ipinamalas ni Cebu Archbishop-designate Alberto Uy ang kanyang dedikasyon sa pagpapatuloy ng adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan, paglingap sa mahihirap, at pagpapastol sa mananampalataya.
Bago ang kanyang pormal na pag-upo bilang arsobispo ng Cebu, bumisita siya sa Abtanan sa Kalooy, isang kanlungan para sa mga mahihirap at mga street dwellers.
Ayon kay Archbishop Uy, ang pangunahing misyon niya ang pagkalinga sa mga dukha sa lipunan upang maipadama ang diwa ng pag-asa at pag-ibig ng Diyos sa kanilang hanay.
“One of the very first places I wanted to visit as your new Archbishop is the Abtanan sa Kalooy… My mission is first and foremost to take care of the little ones—the street children, the abandoned, and the forgotten. It is here that the Gospel becomes flesh, and it is here that we see the face of Jesus in our poorest brothers and sisters,” pahayag ni Archbishop Uy.
Sinalubong si Archbishop Uy ng 300 indibidwal na kabilang sa mga kinakalinga ng Abtanan sa Kalooy, na karamihan ay mga bata.
Pinangunahan ng bagong arsobispo ang pamamahagi ng pagkain katuwang ang ilang mga pari ng arkidiyosesis kasama ang priest-in-charge ng institusyon na si Fr. Patricio Ornopia.
“This food you receive today is more than just a meal. It is a sign that you are loved by God and remembered by His Church. Do not lose hope,” dagdag ni Archbishop Uy.
Pinuri rin ng pastol ang mga benefactors na patuloy na nagkakaloob ng tulong sa institusyon at iginiit na ang kanilang pagtulong ay hindi lamang kawanggawa kundi pagsasabuhay sa ebanghelyo ng Panginoon.
Sa hiwalay na panayam kay Fr. Ornopia, sinabi nitong nagbigay ng inspirasyon ang pagbisita ni Archbishop Uy, lalo na sa sektor ng mga dukha, gayundin sa kanilang mga pari na mas paigtingin ang misyon sa simbahan.
“Sa kanyang pagbisita, nagbigay siya ng halimbawa; we are given courage to push forward in the ministry to make the gospel alive in every face of society. It’s imperative for me and for us priests to do the same,” pahayag ni Fr. Ornopia sa Radyo Veritas.
Ang Abtanan sa Kalooy ay binuksan noong 2019 sa loob ng St. Joseph the Patriarch Parish compound sa Mabolo, Cebu City. Dito, may mga lugar kung saan maaaring makaligo, makakain, at makapaglaro ang mga street dwellers, gayundin ang pagkakaroon ng mga serbisyong medikal, dental, at mga counseling services.
Ang institusyon ay bunga ng ginanap na International Eucharistic Congress noong 2016 sa Cebu City, sa tulong ng Italian Bishops’ Conference.
Bago ang pagbisita sa Abtanan sa Kalooy, nagtanim ng tatlong puno si Archbishop Uy sa Archbishops’ Residence bilang simbolo ng kanyang adbokasiya para sa kalikasan.
Gayundin, nagbigay galang siya sa Batang Hesus sa Basilica Minore del Santo Niño de Cebu, kung saan malugod siyang sinalubong ng mga deboto at komunidad ng Order of St. Augustine – Province of Sto. Niño de Cebu.
Pinangasiwaan naman ng City Government ang pagpresenta kay Archbishop Uy sa makasaysayang Magellan’s Cross bago tumungo sa city hall para sa Civic Reception ng Cebu City LGU.






