33,246 total views
Isinapubliko na ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church ang opisyal na tema at sagisag para sa pagdiriwang ng Pambansang Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Enero 9, 2026.
Napiling tema para sa Nazareno 2026: Debosyon, Traslacion, Misyon, ang mga pahayag mula sa Ebanghelyo ni San Juan, na “Dapat Siyang tumaas, at ako nama’y bumaba.”
Ayon sa Quiapo Church, ipinahahayag ng tema ang tatlong pangunahing pagpapahalaga—Pagpupuri, Kababaang-loob, at Pananampalataya—na siyang diwa ng buhay-debosyon ng mga deboto ng Poong Nazareno.
“Ipinapakita ng bawat elemento kung paanong nararapat na maitaas natin si Kristo, hindi lamang sa Traslacion, kundi sa ating mga buhay sa pamamagitan ng pananampalataya at kababaang-loob,” pahayag ng Quiapo Church.
Itinatampok sa disenyo ng logo ang Poong Hesus Nazareno na itinataas ng mga deboto bilang tanda ng pagpupuri at pagkilala na si Kristo lamang ang nararapat papurihan.
Ipinaliwanag ng pamunuan ng basilika na ang liwanag mula sa Poong Nazareno ay kumakatawan sa kaluwalhatiang patuloy na gumagabay sa mga pusong mapagpakumbaba.
Samantala, ang dalawang debotong buhat sa andas ay larawan ng kababaang-loob—ang pagpapakumbabang nagbibigay-daan upang si Kristo ang maitaas.
“Ang sakripisyo, pagod, at pagtitiis ng mga deboto sa kabila ng mga kanya-kanyang pasanin sa buhay ay lalo pang nagtataas at nakapagbibigay papuri sa Diyos,” ayon sa Quiapo Church.
Ang batang nasa disenyo ay paalala ng turo ni Hesus na ang sinumang nagpapakababa na tulad ng bata ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
Ipinapakita naman ang pananampalataya sa puting telang bumabalot sa logo, tanda ng mga panyong ginagamit ng mga deboto sa taimtim na panalangin.
Makikita rin ang lubid na nakapalibot dito, na sumisimbolo sa pagkakaisa sa pananampalataya, habang ang Simbahan ng Quiapo sa likuran ay larawan ng matatag na debosyon ng sambayanang Pilipino.
Layunin ng Nazareno 2026 na ipaalala sa bawat deboto na ang tunay na diwa ng Traslacion ay hindi lamang ang paggunita sa debosyon, kundi ang araw-araw na pagsasabuhay ng pagpupuri, kababaang-loob, at pananampalataya kay Kristo.
“Sa bawat elemento ay naipapakita na ang ating debosyon sa Poong Hesus Nazareno ay umiikot sa pagpupuri, kababaang-Loob, at pananampalataya – mga pagpapahalagang isinasabuhay ng bawat deboto hindi lamang sa Traslacion kundi sa buhay disipulo,” paliwanag ng Quiapo Church.




