42,647 total views
Binibigyan ng Caritas Manila ng oportunidad ang mga mahihirap na makaahon sa kanilang kinalugmukhang sitwasyon.
Ito ang tiniyak at mensahe ni Father Anton CT Pascual – Caritas Manila Executive Director sa paggunita ng World Day of the Poor.
Ayon sa Pari, bukod sa pamamahagi ng pagkain, hygiene kits at shelters assistance sa mga biktima ng kalamidad ay pinapalakas din ng Caritas Manila ang mga livelihood programs at scholarship sa mga mahihirap na estudyante.
Iginiit ni Father Pascual na ang edukasyon ang tugon upang malabanan ang kahirapan.
“Ayaw po natin ng dole-out, ayaw natin ng ayuda, ito ay pang-emergency lang ang mahalaga po, bigyan natin ng dignidad ang mga dukha, tulungan natin sila na matulungan ang kanilang sarili, sa ating karanasan sa Caritas Manila, naniniwala po tayo na ang mahirap ay hindi naman- wala lang silang oportunidad, ito po ang ating ibigay sa kanila,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Pascual.
Tiniyak ng Pari na isasabuhay ng Caritas Manila ang panawagan ni Pope Francis na i-ahon at bigyan ng marangal na pamumuhay ang mga benepisyaryo nito.
“Ito po ay itinatag ni Pope Francis upang itaas ang ating kamalayan, kamulatan, pananagutan sa kalagayan ng mga dukha as buong mundo, lalung-lalu na sa ating bansa,” bahagi pa ng panayam ng Radyo Veritas kay Fr.Pascual.
Patuloy na pinapalakas ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP na mayroong humigit-kumulang na 5,000 scholars mula sa iba’t-ibang panig ng bansa.






