7,254 total views
Mga Kapanalig, habang nakatuon ang atensyon ng publiko sa nagpapatuloy na kontrobersya sa mga flood control projects, huwag sana nating kalimutan ang mga biktima ng madugong giyera kontra droga.
Hanggang ngayon, katarungan pa rin ang hiling ng mga naulila nilang pamilya—mga magulang na nawalan ng anak, mga asawang nawalan ng katuwang sa buhay, mga batang hindi na magagabayan ng isang ama o ina. Hangga’t hindi napananagot ang mga taong nasa likod ng pagpatay sa kanilang mga mahal sa buhay, patuloy nating inaapi ang mga ulilang dumadaing sa Diyos, ayon nga sa Exodo 22:24.
Ilang araw matapos natin gunitain ang Undas, pinangunahan ni Cardinal Pablo Virgilio David ng Diyosesis ng Kalookan ang panawagan ng iba’t ibang grupo, kabilang ang mga kapamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (o EJK), para sa pagtatatag ng isang National Truth and Reconciliation Commission. Magsisilbi itong plataporma para marinig ang boses ng mga pamilya, gayundin ang kuwentong matagal nang kinikimkim ng mga testigo. Hihikayatin nitong ilantad ng mga sangkot ang nalalaman nila habang tinitiyak ang kanilang seguridad. Rerepasuhin nito ang mga records ng pulis, kabilang ang mga kasong kung tawagin ay “deaths under investigation.” Magpapanukala ang komisyon ng mga programang magbabayad ng danyos sa mga biktima at magbibigay sa kanila ng psychosocial support. Ang pinakamahalaga, maghahain ito ng mga pagbabago sa patakaran ng gobyerno para hindi na maulit ang madugong war on drugs.
Paliwanag pa ni Cardinal David, korapsyon din ang nasa likod ng mga pagpatay kaugnay ng kampanya kontra droga, pero hindi ito gaanong pinagtutuunan ng pansin. May mga isinagawa ngang pagdinig ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pamamagitan ng binuo nitong quad committee on human rights violations, “in aid of legislation” lamang ito. Ang kailangan, giit ng obispo, ay prosecution. Dapat may mapanagot. Dapat may maparusahan.
Nauna na ngang kumilos ang International Criminal Court (o ICC). Nasa The Hague na nga si dating Pangulong Duterte na ginamit ang kanyang kapangyarihan para pataying parang mga hayop ang mga kababayan nating gumagamit at nagbebenta daw ng ipinagbabawal na gamot. Pinananagot siya para sa mga kasong crimes against humanity. Ganoon kasi karami ang buhay na nawala sa ngalan daw ng kaayusan at kapayapaan sa bansa. Sa opisyal na tala ng kapulisan, 6,000 ang namatay, pero ang mga human rights groups ay may mas malaking bilang ng mga biktima—lampas 20,000 daw ang pinaslang.
Kaninumang datos ang gamitin natin, “one is too many,” ‘ika nga. Mas matimbang kaysa sa eksaktong bilang ng mga biktima ang kanilang dignidad bilang mga tao—dignidad na nakaugat sa ating pagiging nilikhang kawangis ng Diyos.
Mahalaga rin ang Truth and Reconciliation Commission dahil bibigyan nito ng pagkakataon ang mahihirap na biktima na makuha ang katarungan para sa kanilang pinatay na mahal sa buhay. Ayon pa nga kay Cardinal Ambo, ang giyera kontra droga ay giyera kontra mahihirap—mga maralita ang unang tinarget ng mga nagpatupad ng war on drugs. Sila kasi ang madaling hulihin at kayang-kayang takutin ng mga pulis.
Sa pamamagitan ng komisyon, matutulungan ng gobyerno ang mga pinakamahihina sa ating lipunan; isa itong konkretong pagsasabuhay ng itinuturo sa atin ng Simbahan na pagkiling sa mahihirap o preferential option for the poor. Alam naman nating wala silang kakayahang idaan sa korte ang paghahanap nila ng hustisya. Masyadong magastos, maraming oras ang kakainin, at masalimuot intindihin ang mga batas at proseso.
Mga Kapanalig, tinitimbang ang anumang lipunan—pati na rin ang gobyerno—kung paano nito tinatrato ang pinakamahina at pinakananganganib na mga kasapi nito. Kung maitatatag, magiging simbolo ang National Truth and Reconciliation Commission ng pagkalinga natin sa mga pinagkakaitan ng katarungan.
Sumainyo ang katotohanan.




