2,370 total views
Aktibong bakiisa ang Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) sa pambansang panawagan laban sa katiwalian sa idinaos na Trillion Peso March 2.0 sa buong bansa noong Nobyembre 30, 2025 kasabay ng paggunita sa Araw ni Gat Andres Bonifacio.
Nag-alay ang CMSP ng mga panalangin, pagninilay, at pagsaksi bilang bahagi ng kanilang misyon sa Simbahan at pagsasabuhay bilang Pilgrims of Hope.
Ayon sa CMSP, mahalagang manatiling gising ang kamalayan at aktibong partisipasyon ng bawat mamamayan sa harap ng lumalalang isyu ng katiwalian sa bansa.
Pagbabahagi ng CMSP, mahalaga ang patuloy na pagkakaisa ng iba’t ibang sektor, faith communities, religious congregations, at advocacy groups sa bansa upang bantayan ang katapatan at pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot sa katiwalian sa kaban ng bayan.
Iginiit din ng CMSP na hindi maaring manahimik ang Simbahan sa tuwing nadedehado ang bayan sapagkat ang katiwalian ay hindi lamang isang krimen kundi tahasang paglapastangan sa dangal ng tao at sa katotohanan.
Paliwanag ng CMSP, bahagi ng tungkulin ng mga relihiyoso na samahan ang sambayanan sa paghahanap ng katotohanan at pananawagan para sa pananagutan.
“Today, the Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP) actively participated in the nationwide call against corruption—an important collective action that gathered Filipinos from different sectors, faith communities, and advocacy groups… As Pilgrims of Hope, CMSP stood in solidarity with the people, raising the moral voice of the Church and reaffirming its commitment to confront corruption, defend human dignity, and promote the common good.” Bahagi ng pahayag ng CMSP.
Inihayag rin ng CMSP na ang pagkakaisa ng taumbayan para sa Trillion Peso March ay isang panawagan na hindi lamang nagmumula sa kalsada kundi nakaugat sa pananampalataya, konsensya, at pag-ibig sa kapwa.
Binibigyang-diin ng CMSP na ang presensya ng Simbahan ay misyon na makiisa sa bayan, manindigan para sa katotohanan, at maging tinig ng pag-asa sa gitna ng kadiliman na nagaganap sa lipunan.
“This day’s participation reflects our enduring mission: to walk with the nation, to speak truth to power, and to uphold hope in the face of darkness.” Dagdag pa ng CMSP.
Ayon sa CMSP kinakailangan ang pagtutulungan ng buong sambayanan upang itaguyod ang isang lipunang tapat, makatarungan, at maka-Diyos hanggang sa tuluyang makamtan ang katotohanan at kasaganahan sa lipunan.




