231,837 total views
Mga Kapanalig, sinasabi sa Mga Kawikaan 15:1: “Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugóng marahas, poot ay hindi mawawaglit.”
Ipinahihiwatig sa mga salitang ito ang kahalagahan ng malumanay na pagpaparating ng anumang gusto nating sabihin. Kahit totoo, kailangang maging maingat tayo sa pagpili ng mga salitang lalabas sa ating bibig.
Mainam na paalala ito sa ating mga namumuno, gaya ni Batangas Governor Vilma Santos.
Hindi na siguro matiis ng gobernadora at sikat na artista ang pambabatikos sa kanyang asawa na si Executive Secretary at dating Senador Ralph Recto. Dawit kasi si ES Recto sa kasong plunder at technical malversation na isinampa ng isang grupo dahil sa pagpapalipat niya ng 60 bilyong pisong excess reserve funds ng PhilHealth sa national treasury. Kasama niyang kinasuhan ang dating presidente ng PhilHealth na si Emmanuel Ledesma Jr. Nangako naman si ES Recto na makikipagtulungan sa Ombudsman para malinawan ang isyung ito. Iginiit niyang mismong mga mahistrado na ng Korte Suprema ang nagsabing wala siyang kriminal na pananagutan sa pagsasauli ng hindi nagamit na pera ng PhilHealth.
Bilang misis ni ES Recto, mabigat para kay Governor Vilma Santos ang natatanggap na batikos ng kanyang asawa. Sa isang media interview, sinabi niyang nadadamay daw pati ang kanilang pamilya. Kilalang-kilala daw niya ang kanyang mister. Aniya, “tinitira” daw sila dahil “nasa itaas” sila at ang mga “tumitira” naman ay nasa ibaba.
Hindi ito pinalampas ng mga tao, lalo na sa social media. Napakamatapobre daw ng gobernadora. Hindi raw niya naisip na ang mga sinasabi niyang nasa ibaba ang mga taong nagluklok sa kanya kung nasaan siya sa larangan man ng showbiz o pulitika. Ito raw ang isang dahilan kung bakit hindi karapat-dapat pumasok sa pulitika ang mga sanay sa mga kathang-isip na karakter at wala namang karanasan sa pamamahala. Maraming taon daw binuo ni Governor Vilma ang kanyang reputasyon bilang isang mahusay na aktres, pero sa isang iglap, sa ilang salita, sinira niya ito.
Nilinaw naman ng opisina ng gobernadora ang mga sinambit niyang hindi ikinatuwa ng mga netizens. In-edit daw ang video para palabasing minamata ni Governor Vilma ang publiko. Hindi raw iyon ang intensyon ng gobernadora. Kung babalikan daw ang buong interview sa kanya, ang tinutukoy daw ng gobernadora na nasa “ibaba” ay ang mga bashers nilang mag-asawa. Ikinadidismaya daw niya ang pagkalat ng misinformation gaya ng fake news at ang kultura ng online bashing. Kaya naman, pinaalalahanan ng Batangas Provincial Information Office ang publiko na maging mapanuri sa kanilang mga nababasa at napapanood online.
Target ng mga opinyon ang sinumang nasa poder. Totoong dapat maging mapanuri ang mga tao sa kanilang mga binabasa at sinasabi, pero maging maingat din dapat ang mga pulitiko sa kanilang mga binibitawang salita. Hindi lahat ng batikos sa kanila ay malisyosong paninira, gaya ng inaatupag ng mga online bashers. May mga batikos dahil may mga nangangambang nagagamit ng mga nasa pamahalaan ang pera ng bayan sa mali. May mga lehitimong batikos—mga batikos na layuning isiwalat ang totoo at itulak ang mga taong mag-isip at magsuri—at bahagi ito ng demokrasya.
Mga Kapanalig, pinahahalagahan ng ating Simbahan ang malayang pagpapahayag ng saloobin ng mga tao. Susi ito sa isang maayos at buháy na lipunan. Tungkulin nating iparinig ang ating boses tungkol sa mga isyung nakaaapekto sa atin—hindi para manira ng sinuman, kundi para bantayan ang kabutihang panlahat o common good. Kung tatahimik tayo sa isyu ng katiwalian at maling paggamit ng pera ng bayan, para na rin nating isinusuko ang ating kalayaan sa mga nasa kapangyarihan.
Mauunawaan ito ng mga nasa itaas kung bababa naman sila.
Sumainyo ang katotohanan.




