125,886 total views
Mga Kapanalig, balik-kulungan si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pansamantalang pagkulong kay dating Senador Revilla kaugnay ng kasong graft at malversation (o maling paggamit ng pondo ng bayan). Sumuko siya sa Philippine National Police sa Camp Crame matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya.
Siya ay kasalukuyang naka-detain sa Quezon City Jail, kasama ang mga kapwa-akusado na mga dating opisyal ng DPWH Bulacan First District Engineering Office na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, at Juanito Mendoza. Ayon sa Office of the Ombudsman, nakipagsabwatan si Revilla sa ilang engineers ng DPWH para makakuha ng halos kickback mula sa iba’t ibang flood control projects. Si Revilla din daw ang nagpahintulot o nagpasimula ng paglalagay ng flood control project sa bayan ng Pandi sa Bulacan sa 2025 national budget. Pero ghost o hindi talaga naipatayo ang proyektong pinaglaanan ng 92.8 milyong piso.
Gaya ng inaasahan, mariin itinanggi ng dating senador ang mga paratang sa kanya. Iginiit niya ang kanyang pagiging inosente, at sinabing haharapin niya ang mga kaso nang walang takot. Alam daw niyang hindi siya pababayaan ng Diyos. Pero sa isang video, sinabi niyang nalulungkot siya dahil “parang wala yatang due process.” Due process din panawagan ng kanyang pamilya.
Ang due process ay mahalagang haligi ng ating sistemang pangkatarungan. Walang sinuman ang maaaring alisan ng kalayaan nang walang malinaw na sakdal at nang hindi dumadaan sa sapat na pagdinig ng korte. Sa kaso ni dating Senador Revilla, may pormal na kasong inihain laban sa kanya. May warrant of arrest na inilabas. May hukumang didinig at magpapasya. May pagkakataon ang dating senador na ipagtanggol ang kanyang sarili sa loob ng legal na proseso. Hindi pa ba ito due process?
Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si dating Senador Revilla sa isang kasong may kinalaman sa katiwalian. Noong kasagsagan ng pork barrel scam, siya ay kinasuhan ng plunder at graft dahil sa pagbubulsa ng 124.5 milyong piso mula sa kaban ng bayan. Matapos ang mahabang paglilitis, napawalang-sala siya sa kasong plunder noong 2018 at sa mga kasong graft noong 2021. Pero kahit siya ay inabsuwelto, iniutos pa rin ng Sandiganbayan na ibalik ng dating senador ang 124.5 milyong piso. Hindi pa rin ito naibabalik. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan sa bagay na ito kung tunay na pananagutan o accountability ang pag-uusapan. Sino ang hindi sumusunod sa due process? Mukhang lumalabo ang kahulugan ng due process sa mga tao kapag hindi pabor sa kanila ang kinalabasan ng pagdinig at ang hatol.
Paalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP): ang tunay na hustisya ay hindi natatapos sa pagpapataw ng parusa. Higit sa lahat, hinihingi nito ang restitution o ang pagsasauli o pagbabayad muli ng anumang kinuha o nawala upang maitama ang pagkakamali. Ang panawagang ito ay hindi lamang usaping legal, kundi moral. Malinaw sa paniniwalang Kristiyano na ang hustisya ng Diyos ay hindi kailanman hiwalay sa katapatan. Ito ay malinaw ring pamantayan ng Diyos. Sabi nga sa Isaias 61:8, “Ako, ang Panginoon, ay umiibig sa katarungan; galit ako sa pagnanakaw at sa kasamaan.”
Mga Kapanalig, ang tunay na pagsisisi ay may kaakibat na pagpapakumbaba at gawa. Kung walang pananagutan at walang pagbabalik ng ninakaw, hungkag ang anumang pahayag ng pagiging inosente at paghingi ng due process. Dapat manaig ang hustisya, hindi lamang para sa isang pangalan, kundi para sa sambayanang matagal nang nabibigatan sa katiwalian. At sa susunod na halalan, sana ay huwag na nating iboto ang mga may track record sa pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Sumainyo ang katotohanan.




