Itinalaga sa kauna-unahang pagkakataon ang Pilipinong chaplain sa Malta.
Ayon sa pahayag ng Franciscan Province of San Pedro Bautista–Philippines, itinalaga si Fr. Jhoan Pader, OFM bilang chaplain ng Catholic Filipino Community sa Malta sa kahilingan at pamamatnubay ni Malta Archbishop Charles Scicluna, kasalukuyang Adjunct Secretary of the Dicastery for the Doctrine of the Faith.
Pangangasiwaan ng pari ang lumalaking populasyon ng mga Pilipino sa Malta at gampanan ang mga gawaing pagpapastol at pangunguna sa mga gawaing pampastoral at pang-espiritwal.
“Fr. Jhoan Pader, a member of the Order of Friars Minor (OFM), now assumes the important mission of serving the growing Filipino Catholic community in the Mediterranean island nation,” ayon sa pahayag ng Franciscan Philippines.
Nakatuon ang ministeryo ng pari sa pagpapalakas ng pananampalataya ng mga migranteng Pilipino sa pamamagitan ng mga sakramento at iba pang gawaing espiritwal.
“His ministry will focus on strengthening the faith life of Filipino migrants through the celebration of the sacraments, pastoral care, community gatherings, and spiritual formation,” ayon pa sa pahayag.
Nanindigan ang mga misyonerong Franciscano na ang pagkatalaga sa kauna-unahang Filipino chaplain sa Mediterranean island nation ay pagpapakita ng pakikiisa sa misyon ng simbahan na pangalagaan at kalingain ang mga migrante.
“This appointment is seen as a meaningful step in ensuring that Filipino migrants continue to receive pastoral support and a sense of spiritual home while living abroad. Fr. Pader’s new mission also reflects the Church’s continuing commitment to accompany migrant communities, recognizing their important presence and contribution to the life of the local Church,” ayon sa Franciscan community.
Tiniyak ng mga Franciscano ang pananalangin at pakikiisa sa panibagong misyon ni Fr. Pader sa ibayong-dagat.
Batay sa datos noong 2025 nasa 13, 000 ang kabilang sa Filipino Catholic community sa Malta.






