Send your Love Offering

SAVINGS ACCOUNT NAME

DZRV Radio Veritas Foundation, Inc.

  1. Metrobank Savings Account No.: 076-3-076270210
  2. Banco De Oro Savings Account No.: 001-630011876
  3. BPI Savings Account No.: 0213-3251-91
  4. PNB – Savings account No.: 105-910-013-091

 27,463 total views

5th Sunday of Easter Cycle A
Acts 6:1-7 1 Pt 2:4-9 Jn 14:1-12

“Huwag kayong mabalisa!” Kailangan natin ang salitang ito ni Jesus. Nababalisa tayo, naguguluhan tayo, natatakot tayo sa maraming bagay. Ang iba ay naguguluhan dahil sa kakulangan ng trabaho, kaya walang pera para sa mga mahahalagang pangangailangan ng pamilya. Ang iba ay namomroblema dahil sa ang daming trabaho. Hindi alam kung matatapos ang mga gawain sa deadline na inaasahan ng boss. Ang iba ay nababalisa kasi parang walang patutunguhan ang kanilang buhay. Mayroon namang problema dahil sa hindi pagkakasundo o pag-aaway sa pamilya o kaibigan. Ang daming dahilan sa pagkabalisa sa buhay. Dagdag pa dito ang mga mabibigat na pangyayari sa malalayong parte ng mundo, tulad ng sa Iran, sa Israel, sa Lebanon na wala namang tayong kinalaman pero nadadamay tayo dahil sa gulo doon. Nagpapabigat pa sila sa problema natin sa pagtataas ng presyo ng langis at mga bilihin. Jesus, ayaw nga namin na mabalisa kami. Ano ang dapat naming gawin?
Ang sagot ni Jesus ay: “Manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin.” Pananalig, pananampalataya, pagtitiwala. Sinulat ni San Juan sa kanyang liham na ang tagumpay natin sa mundo ay ang ating pananampalataya. Hindi lang tayo nananalig na mayroong Diyos. Pati ang demonyo ay naniniwala na mayroong Diyos. Nananalig tayo na mahal tayo ng Diyos. Hindi na naniniwala ang demonyo dito, na mahal sila ng Diyos. Mahal tayo ng Diyos kasi binigay niya ang kanyang bugtong na anak para sa atin. Mahal tayo ni Jesus sapagkat namatay na siya sa krus para sa atin. Malaki na ang itinaya ng Diyos para sa atin. Pababayaan pa ba niya tayo? Kaya magagawa natin ang lahat sa pamamagitan ni Kristo na nagpapalakas sa atin. Malalampasan natin ang lahat ng problema at alalahanin kung tayo ay nagpapagabay sa kanya.

Ang unang komunidad ng mga kristiyano sa Jerusalem ay nagkaroon ng mabigat na problema. Maganda na sana ang buhay nila noon. Walang nangangailangan sa kanila kasi ang mga mayroon, pinagbibili nila ang kanilang ari-arian at binabahagi ang mga pinagbilhan nito ng mga apostol sa may pangangailangan. Walang mahirap sa kanila, kasi walang mayaman. Nagbabahaginan sila. Ang problema ng mundo ngayon ay hindi kakulangan sa kayamanan kundi kakulangan sa pagbabahaginan. Sana matuto lang tayong mag-share!

Pero dumating ang araw na nagreklamo ang mga kapatid na nagsasalita ng Griego na ang mga balo nila ay hindi nagkakatanggap ng sapat na tulong kaysa mga balo ng mga nagsasalita ng Hebreo. “May favoritism!” Sabi nila. Nakarating sa mga apostol ang reklamo at kinilala nila ang kanilang pagkukulang. Dumami na ang mga mananampalataya na hindi na nila mapangalagaan na gampanan nang maayos ang pagbabahagi ng ikabubuhay sa lahat ng nangangailangan. Nag-prioritize sila. Mas mahalaga para sa kanila bilang mga apostol ang magdasal at magpahayag ng salita ng Diyos. Hindi dapat nila ito pababayaan. Pero mahalaga din ang pagbabahagi ng pangangailangan sa mga mahihirap. Kaya nagpasya sila na pumili ng pitong mga lalaki na mapagkakatiwalaan sapagkat sila ay puno ng Espiritu Santo at ng karunungan at sila na ang pagkakatiwalaan nila sa ganitong importanteng gawain. Ganito nga ang kanilang ginawa. Gumawa silang ng bagong grupo sa simbahan, ang grupo ng mga deakono. Natuwa ang lahat sa solusyon at na-solve ang problema. Sa halip na mag-away o magkaroon ng sama ng loob sa komunidad, nagkaisa ang lahat sa gabay ng Espiritu Santo sa maayos na pagharap sa problemang ito.

Ang lahat ay maaayos kung tayo ay may pananalig. Tayo ay isang lahing hinirang, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili tayo ng Diyos upang maging kanya, kaya hindi niya tayo pababayaan. Present, nandiyan, ang Diyos sa buhay natin. Alam niya ang nangyayari sa atin at hindi niya tayo pababayaan.

Pero ngayong linggo binibigyan ng diin ni Jesus ang pananalig na makakarating tayo sa kanyang pupuntahan. Huwag tayong masyadong mabalisa sa mga bagay sa buhay natin ngayon sa mundong ito, kasi hindi naman tayo para lang sa mundong ito. Ang lahat ng nandito ay lilipas. Naglalakbay lang tayo sa lupang ibabaw na ito. Hindi tayo taga-rito. Ihahanda ni Jesus ang tunay na tirahan para sa atin. Kung saan siya pupunta duroon din tayo. Kapag naipaghanda na niya kung saan tayo titira, babalik siya at susunduin tayo. Kaya anuman na kaguluhan at problema na nararanasan natin, sabihin natin: Lilipas din ito. Malalampasan ko ito. Sinulat ni San Pablo na para sa nagmamahal sa Diyos ang lahat ay na-uuwi sa kabutihan. At hindi natin ma-imagine ang kaligayahan na nag-aantay sa atin kung saan tayo dadalhin ni Jesus.

Saan nga ba tayo dadalhin ni Jesus? Sabi ni Jesus: “Alam ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sabi ni Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, paano namin malalaman ang daan?” Tama nga naman. Kaya niliwanag ni Jesus. Ang pupuntahan niya ay hindi isang lugar. Pupunta siya sa Ama, at siya lang ang daan patungo sa Ama. Ang Diyos Ama ang Manlilikha. Lahat tayo ay nanggaling sa kanya at lahat tayo ay babalik sa kanya. Siya ang simula at ang wakas. Na-intriga si Felipe. Ganoon pala kaimportante ang Ama, kaya nasabi niya: “Ipakita mo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.” Medyo nalungkot si Jesus sa kahilingang ito. “Felipe, ang tagal na tayong magkasama at hindi mo pa nalalaman na ang Ama at ako ay iisa? Ang nakakakita sa Akin ay nakakikita sa Ama. Wala naman akong sinasabi sa ganang aking sarili lang. Ang sinasabi ko ay ang narinig ko lang sa Ama. Walang naman akong ginagawa kundi ang pinagagawa ng Ama. Ang mga himala na ginawa ko ay hindi magagawa ng isang tao lamang. Ito ay nagagawa ko dahil sa ang Ama ay sumasaakin.”

Dahil si Jesus at ang Diyos Ama ay hindi magkaiba, si Jesus ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Si Jesus ang daan patungo sa Ama kasi siya ay ang Diyos na nakikita na nagpapahiwatig sa Diyos Ama na hindi natin nakikita. Siya ang katotohanan ng Ama. Sa pagtanggap natin sa kanya, natatanggap natin ang buhay na galing sa Ama. Kaya hindi na dapat tayo mangapa patungo sa pupuntahan ni Jesus kasi kung lumalapit tayo at tinatanggap natin siya, nararating na natin ang pupuntahan niya – Ang Diyos Ama!

Ang panawagan ni Papa San Juan Pablo Ikalawa ay: “Buksan ang pintuan ng inyong mga puso kay Kristo.” Siya ang daan patungo sa buhay. Siya ang buhay. Kasama niya, hindi tayo mababalisa. Hindi ba sinabi din niya: “Lumapit kayo sa akin kayong nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan?” Hindi si Jesus pahirap sa buhay natin. Kaya nga tayo siguro nababalisa, nahihirapan, namomroblema kasi nawala na si Jesus sa ating focus. Mas nakatuon na lang tayo sa mga problema na ating hinaharap. Hindi iyan ang buhay! Hindi lang tayo para diyan. Kasama si Jesus, malalampasan natin ang lahat. Lilipas ang lahat. In the perspective of eternity, in the perspective of the love of God, things take on a new light. Sa pananaw ng buhay na walang hanggan, sa pananaw ng pag-ibig ng Diyos, ang mga bagay ay nagkaroon ng bagong liwanag at bagong kahulugan.

Huwag kayong mabalisa!

PAG-IBIG at Landers, lumagda sa Memorandum of Agreement

 602 total views

Nilagdaan ngayong araw ng Pag-IBIG Fund at Landers Superstore ang Memorandum of Agreement (MOA) sa Landers Superstore Aseana upang palawakin ang mga benepisyong matatanggap ng mga miyembro ng Pag-IBIG sa pamamagitan ng Pag-IBIG Loyalty Card at Loyalty Card Plus.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta, layunin ng kasunduan na mabigyan ng mas maraming napapanahong benepisyo ang may 17-milyong aktibong miyembro ng PAG-IBIG Fund kabilang ang mga hindi pa nangangailangan ng housing o multi-purpose loan.

“Sa ating mga pag-ibig members, pumunta na kayo dito sa Landers, dalhin nyo ang iyong loyalty card plus, pwede na kayong mag-shopping kahit wala kayo ng membership card. Initially, hindi na.Pero mas maganda kung pagkatapos nilang mag-shopping kasi para forever na silang member ng Landers,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Acosta.

Ayon kay Acosta na bukod sa pagiging cash card, nagsisilbi ring daan ang Pag-IBIG Loyalty Card Plus upang makakuha ng mga diskwento, espesyal na alok, at reward points mula sa lumalawak na hanay ng mga partner establishments ng ahensya.

Binigyang-diin din ni Acosta na malaking bahagi ng buwanang gastusin ng maraming pamilyang Pilipino ang pamimili ng grocery kaya’t makatutulong ang bagong partnership upang makabawas sa kanilang gastusin dahil ang bawat pisong matitipid sa mga pangunahing pangangailangan ay maaaring mailaan sa edukasyon, pamasahe, bayarin sa kuryente at tubig, o maging dagdag na ipon sa MP2 Savings Program.

“We are truly grateful to Lander’s Superstore for joining us in this mission.Together, we are making the Pag-ibig Loyalty Card Plus even more rewarding and meaningful for our members.As we sign this Memorandum of Agreement today, we reaffirm our commitment to helping Filipino families save more, spend wisely, and enjoy greater value from their pag-ibig membership.To our friends from Lander Superstore, thank you for your trust and partnership. Maraming salamat po at congratulations to all of us,” bahagi pa ng mensahe ni Acosta sa gawain.

Sa bisa ng kasunduan na nagsimula noong August 01 hanggang October 31 ngayong taon, maaaring makakuha ang mga may hawak ng Pag-IBIG Loyalty Card at Loyalty Card Plus ng libreng Landers Shopping Pass, libreng Landers Premium Membership sa minimum na single-receipt purchase na 3-thousand pesos, at pagkakataong mag-upgrade sa Executive Membership sa halagang 300-pesos lamang, magagamit ang mga benepisyong ito sa 16 na kalahok na Landers Superstore branches sa buong bansa.

Agarang implementasyon ng 85-pisong wage hike, panawagan ng CWS

 603 total views

Nanawagan ang Church People–Workers Solidarity (CWS) nang kagyat na pagpapatupad na ng 85-pesos wage hike minimum na sahod sa National Capital Region (NCR), kasunod ng pansamantalang pagpigil sa implementasyon nito dahil sa Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas kaugnay ng petisyong inihain ng dalawang construction company.

Ayon kay CWS National Chairperson San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, iginiit na ang pagkaantala sa pagpapatupad ng wage increase ay nagdudulot ng dagdag na pasanin sa mga manggagawang patuloy na nahaharap sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, mababang kita, at tumitinding gastusin sa pagkain, transportasyon, pabahay, kalusugan, edukasyon, at iba pang pangangailangan.

Giit ng Obispo, bagama’t kabilang ang 85-pesos wage adjustment sa pinakamalalaking wage hike sa mga nakalipas na taon, nananatili pa rin itong malayo sa isinusulong na family living wage na ngayon ay umaabot na sa 1,300-pesos upang masuportahan ng isang manggagawa ang sarili o pamilyang may limang miyembro.

“Even with the full adjustment, the NCR minimum wage remains significantly below the estimated family living wage, which studies place at more than ₱1,200 per day for a family of five. Inflation continues to erode workers’ purchasing power, while the costs of food, transportation, housing, healthcare, education, and utilities continue to rise. The wage adjustment itself is therefore not excessive. Rather, it represents only a modest step toward restoring the dignity of labor and helping workers meet their families’ most basic needs. To postpone even this limited relief places an additional burden on those who already bear the greatest weight of today’s economic challenges,” ayon sa mensahe ni Bishop Alminaza

Ipinahayag din ng CWS ang pangamba sa legal na implikasyon ng TRO, na maaaring sumalungat sa layunin ng umiiral na mga batas sa paggawa na tiyakin ang maagap na pagpapatupad ng mga wage order.

Hinimok ng grupo ang kagyat na pag-alis sa TRO, paggalang sa mga batas ng labor laws hinggil sa implementasyon ng wage orders, pagpapatuloy ng dayalogo sa pagitan ng pamahalaan, mga employer at labor groups, at pagsusulong ng mga tunay na pagbabagong maglalapit sa minimum wage sa tunay na family living wage.

“We, the Church people, walks with you in your struggle for justice, dignity, and decent work. Your labor is not merely an economic contribution; it is a participation in God’s continuing work of creation. We pray—and earnestly hope—that government, employers, labor organizations, the courts, faith communities, and all sectors of society will work together so that economic progress truly becomes inclusive, just, and life-giving for all,” bahagi pa ng mensahe ni Bishop Alminaza.

Sa huli, Binigyang-diin ng CWS na ang makatarungang suweldo ay hindi lamang usaping pang-ekonomiya kundi usapin din ng dignidad ng tao at panlipunang katarungan.

Ang apela ng CWS ay kahanay ng ensiklikal na Rerum Novarum ni Pope Leo XIII na nagsasabing, “To defraud anyone of wages due to a lowly worker is a crime which cries to the anger of heaven,” bilang paalala sa moral na pananagutan ng lipunan na tiyakin ang makatarungan at napapanahong sahod para sa mga manggagawa.

BE OUR PARTNERS

THIS PORTION IS BROUGHT YOU BY

ADVOCATE

Radyo Veritas Advocacy Category by Author

Veritas Editorial

Picture of Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

CONFIDENTIAL FUND

 4,010 total views

 4,010 total views Kapanalig, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, naging malinaw sa madlang bayan na ang “confidential fund” ay isang public fund o

Read More »

Karapatan sa disenteng tahanan

 79,515 total views

 79,515 total views Mga Kapanalig, karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng tahanan. Para masabing disente, dapat itong sapat, ligtas, may seguridad, at nagbibigay-daan sa

Read More »

Hindi nakatutuwang biro

 110,797 total views

 110,797 total views Mga Kapanalig, mabuti pa si Japanese Ambassador to the Philippines na si Endo Kazuya, maraming pagpipiliang bahay dito sa Pilipinas.  Sa isang privilege

Read More »

Sino ang papasan ng system-loss?

 142,814 total views

 142,814 total views Mga Kapanalig, isa sa mga umani ng masigabong palakpakan sa State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ay

Read More »

KULANG SA SONA NI PBBM

 294,846 total views

 294,846 total views Kapanalig, sa anumang hakbang., planong gagawin., polisiyang ipapatupad.,mga pangakong binitiwan, o mga usapin na sadyang iniiwasan. Lagi itong may kulang. Hindi ibig sabihin,

Read More »

Watch Live

RELATED ARTICLES

Homily August 2, 2026

 12,478 total views

 12,478 total views 18th Sunday of Ordinary Time Cycle A St John Mary Vianney Sunday Is 55:1-3 Rom 8:35.37-39 Mt 14:13-21 Ngayong Linggo ay St. John

Read More »

Homily July 26, 2026

 14,191 total views

 14,191 total views 17th Sunday in Ordinary Time World Day of Parents and the Elderly Fil-Mission Sunday 1 Kgs 3:5.7-12 Rom 8:28-30 Mt 13: 44-52 Sa

Read More »

Homily July 19, 2026

 19,535 total views

 19,535 total views 16th Sunday in Ordinary Time Wis 12:13. 16-19 Rom 8: 26-27 Mt 13:24-43 Sa pananaw ng mundo pinapakita ng tao na dahil siya’y

Read More »

Homily July 12, 2026

 27,109 total views

 27,109 total views 15th Sunday in Ordinary Time Is 55:10-11 Rom 8:18-23 Mt 13:1-23 Makapangyarihan ang simbahan. Tumagal siya ng higit na dalawang libong taon. Mula

Read More »
Scroll to Top