1,244 total reads
Hinimok ni Radyo Veritas President and CEO Fr. Roy Bellen ang mga mananampalataya na paigtingin ang pananalangin sa Santo Rosaryo, lalo na ngayong nahaharap ang mundo sa iba’t ibang hamon.
Ito ang panawagan ng pari sa pagbubukas ng Marian Exhibit ng Radyo Veritas sa Fisher Mall, Malabon City, ngayong September 23.
Binigyang-diin ni Fr. Bellen na hindi lamang dapat maging personal na panalangin ang pagdarasal, kundi isang sama-samang pagsusumamo para sa kapayapaan.
“I therefore invite everyone to pray the Holy Rosary, not only during this exhibit, but every day. Let us make the Rosary our prayer for a world wounded by conflict, division, violence, and uncertainty,” ayon kay Fr. Bellen.
Dagdag pa ng pari na dapat isama rin sa panalangin ang mga taong nakararanas ng paghihirap sa iba’t ibang sitwasyong kinakaharap ng buhay.
Tinukoy din nito ang mga karahasan sa lipunan na dapat mawakasan kabilang na ang insidente ng pamamaril sa loob ng mga paaralan at ang nagpapatuloy na hidwaan bunsod ng pulitika.
“Let every Hail Mary rise as a humble plea for peace amidst violence among the young, violence in politics, violence of wars, and an offering for those who suffer,” aniya.
Ito ay patuloy na inisyatibo ng Radyo Veritas, katuwang ng establisimyento, bilang pagpaparangal sa Mahal na Birhen lalo na sa paggunita ngayong Oktubre bilang buwan na iniaalay sa Mahal na Birheng Maria ng Santo Rosaryo.
Binigyang-diin ni Fr. Bellen na higit na kailangan ang sama-samang pananalangin para sa kapayapaan mula sa puso at pamilya hanggang sa mga pamayanan at mga bansa sa buong daigdig.
Hiniling din ng pari na ang exhibit ay hindi lamang maging pagpapakita ng debosyon sa Mahal na Ina kundi maging lugar ng panibagong pananampalataya at sama-samang pananalangin.
Gayundin ang proteksyon ng bawat isa mula sa mga kalamidad na nangyayari sa mundo kabilang na ang mga malalakas na bagyo at lindol na lubhang nakapipinsala sa tao at ang hinaharap ng Pilipinas na banta ng El Niño phenomenon kung saan kasalukuyang nararanasan ang katamtaman hanggang sa malakas na epekto nito.
“Let this Marian Exhibit be more than a display of devotion. Let it be a place where hearts are renewed, where families kneel together in prayer, and where our collective plea for peace rises to heaven, and the protection amidst calamities,” giit ni Fr. Bellen.
Sa mga panalangin at pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, hinikayat ni Fr. Bellen ang mga mananampalataya na manatiling tapat, may pag-asa at maging matatag sa kanilang pananampalataya.
Nanawagan din si Fr. Bellen sa mga mananampalataya na maging instrumento ng kapayapaan lalo na sa kanilang mga pamilya.
“May Mary, Queen of Peace, draw us ever closer to her Son; and send us forth as instruments of peace in our world,” saad pa ng pari.
Pinangunahan ni Fr. Edward Dantis, SSP, ang pagpasinaya ng Marian Exhibit katuwang ang mga kinatawan ng Fisher Mall – Malabon at ilang kawani ng Radyo Veritas.
Bukas sa publiko ang Marian Exhibit mula September 23 hanggang October 3.




