386 total views
Inihayag ng Archdiocese of Ozamis ang makasaysayang paggawad ng Pontifical Coronation sa mapaghimalang imahen ng Nuestra Señora de la Inmaculada Concepción y del Triunfo de la Cruz de Migpangi o mas kilala bilang Birhen sa Cotta.
Sa pabatid ng Archdiocesan Marian Shrine of the Birhen sa Cotta, isang “monumental milestone” sa kasaysayan ng lokal na simbahan ang pagkakaloob ng pinakamataas na pagkilala sa naturang imahen.
“By mandate of the Holy See, the venerable and miraculous image of Nuestra Señora de la Immaculada Concepción y del Triunfo de la Cruz de Migpangi (Birhen sa Cotta) will be elevated to the highest honor with a Pontifical Coronation,” ayon sa pahayag ng dambana.
Itinakda sa July 8, 2026 ang pagpuputong ng korona sa Mahal na Birhen na pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines, Archbishop Charles Brown sa Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception sa Ozamiz City.
Binigyang-diin ng arkidiyosesis na nananatiling matatag na sandigan ng pananampalataya ng mamamayan ang debosyon sa Birhen sa Cotta sa loob ng maraming henerasyon.
“Her maternal protection has remained an unshakeable anchor of faith,” ayon sa pahayag.
Ang Birhen sa Cotta o Nuestra Señora de la Inmaculada Concepción y del Triunfo de la Cruz de Migpangi ay isang sinaunang debosyon sa lugar na nakaugnay sa lumang kuta o “cotta” na itinayo noong panahon ng Kastila.
Itinuturing itong tagapangalaga ng lunsod at naging simbolo ng pananampalataya at proteksyon ng mga deboto sa loob ng maraming siglo.






