197 total views
Kinilala at nagpapasalamat si Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mga Overseas Filipino Workers sa malaking ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ipinaabot ni Bishop Santos ang papuri at pasasalamat sa pagkilala ng Department of Economy, Planning and Development o DEPDEV sa malaking ambag ng OFW remittances na pangunahing dahilan upang makamit ng Pilipinas ang World Bank threshold na ‘Upper-Middle-Income-Class-Country’.
Ayon kay Bishop Santos, nararapat pasalamatan ang Diyos sa biyaya at sakripisyo ng mga OFW na tiniis na magtrabaho sa ibayong dagat dahil sa kawalan ng oportunidad sa bansa at mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.
Ipinagdarasal nang Obispo na mananatiling matatag ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga pandaigdigang hamon at krisis.
“Makikita natin na kung saan ay umaangat ang ating ekonomiya at ay naging matatag at matibay sa kabila ng kahirapan at kagipitan na nagaganap dito sa buong mundo. Narito pa rin tayo na kung saan ay nakakaraos sa awa ng Diyos at dahil rin sa ating mga bagong bayani, ang OFW, na sa kanilang remittance ay malaking tulong sa lahat,” ayon sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Santos.
Bunsod nito, umaasa si Bishop Santos na paglingkuran ang mga OFW sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang kapakanan, karapatan at pamilyang naiwan sa bansa.
“Higit sa lahat, dapat natin silang paglingkuran. Ang paglingkuran na dapat nating ibigay sa lahat ay kinakailangan natin ang pagpapakasakit at sila’y tulungan, higit sa lahat ang mga naiwan dito sa ating bayan, sa ating bansa, at ang kanilang karapatan. Ang kanilang pangangailangan sa ibang bansa ay ating tugunan. Hindi natin sila pababayaan. Sila rin ay ating iingatan at aalagaan,” ayon pa sa panayam ng Radyo Veritas kay Bishop Santos.
Sa pag-aaral ng World Bank, umabot sa $4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa noong 2025, na lumampas sa itinakdang $4,636 na threshold para sa naturang kategorya sa kabila ng mga hamon sa ekonomiya.




